Anim na bagay na dapat mong malaman ukol sa e-waste
“Walang forever,” ika nga. Kahit ‘yang gadget na pinakamamahal mo ngayon ay maluluma o masisira rin pagdating ng panahon. Pero, mag-ingat lang sa pagtatapon ng mga electronic items na ayaw mo na, kasi baka nakakasama na ito sa kapaligiran at sa kalusugan ng karamihan.
Sa tulong ng Globe E-Waste Zero program, itinuturo ang tamang pagtatapon at pagrerecycle ng mga luma at sirang electronic devices gaya ng cellphone, TV, radyo, washing machine, plantsa, at iba pang kagamitan na nagiging electronic waste o e-waste.
Ayon sa United Nations Environment Programme (UNEP) at ng DENR-Environmental Management Bureau (DENR-EMB), ang e-waste o Waste Electrical and Electronic Equipment (WEEE) ay tumutukoy sa mga luma at hindi na gumaganang mga devices na gumagamit ng baterya o kuryente.
Para mas mapalawak ang kaalaman sa e-waste, ito ang ilang mga impormasyon na dapat mong malaman:
1) Gaano ba kalaki ang problema sa e-waste?
Sa isang report na inilabas ng UNEP, nasa mahigit na 50 million metric tons ng e-waste ang itinatapon sa buong mundo kada taon, at halos 20% lamang ang nirerecycle nang tama. Ang natitira ay napupunta sa mga tambakan ng basura o landfill at maaaring maging peligro sa kapaligiran at sa kalusugan. Sa Pilipinas, isa ang e-waste sa pinakamalaking sanhi ng basura sa bansa.
2) ‘Di ba nirerecycle naman ‘to ng mga junk shops at pinagkakakitaan pa ng mga nangangalakal?
Kahit nakakatulong ito sa informal sector, ang proseso ng pagbabaklas at pagrerecycle nila ay hindi naaayon sa itinakda ng pamahalaan at mga health institutions, at maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kanilang kalusugan at sa kapaligiran.
Sa katunayan, binanggit ng UN Environment Programme sa kanilang ulat ng 2019 na “ang impormal at basic na paraan ng pag-recycle, pati na rin ang hindi kontroladong pagtatapon, ay responsable sa paglabas ng mga mapanganib na kemikal sa maraming mga umuunlad na bansa, na nakakaapekto sa kalusugan ng tao at sa lokal na kapaligiran.
Ang mga kababaihan at bata, pati na rin ang mga naninirahan sa paligid ng mga lugar ng pag-recycle ay kabilang sa mga dapat ingatan at pangalagaan. Dahil dito, ang mga programang makakatulong sa paglipat ng impormal na sektor sa isang pormal na sektor ay kapaki-pakinabang sa kapaligiran, kalusugan at kabuhayan ng mga lokal na pamayanan.
3) Ano bang mga elemento ang nasa e-waste at bakit kailangan mag-ingat dito?
Ayon sa Global E-waste Monitor 2020 report, ang mga e-waste ay gawa sa iba’t ibang mga materyales na nakalalason tulad ng mercury, brominated flame retardants (BFR), at chlorofluorocarbons (CFCs), o hydrochlorofluorocarbons (HCFCs), kaya naman delikado ang hindi tamang pagrerecycle nito.
Ang e-waste sa mga landfill ay nakakalason sa lupa at sa tubig na nakakaapekto sa pagkain, inuming tubig, at nakakasama sa kalusugan ng tao.
4) Ano ba ang magagawa ng tamang pag-recycle ng e-waste?
Ang mga materyales na ginamit sa mga lumang gadgets at appliance ay pwedeng makabuo ng mga bagong produkto. Mababawasan din nito ang dami ng basura itinatapon sa landfills at mga nakalalason na elementong nasisipsip ng lupa at napupunta sa tubig. Maiiwasan din ang panganib na dulot ng mga toxic chemicals sa mga naninirahan malapit sa mga tambakan ng basura.
5) Ano bang nangyayari sa e-waste kapag nirecycle ng tama?
Matapos makolekta ang mga e-waste, inililipat ito sa mga authorized na Treatment, Storage at Disposal (TSD) facilities na mayroong tamang teknolohiya para iproseso ang mga delikadong e-waste. Ang mga bahagi na maaari pang mapakinabangan ay dinudurog at sinasala para ihiwalay ang mga non-metal powders. Ito ay pinoproseso para makuha ang mga natitirang ginto, pilak, at palladium na gagamitin sa paggawa ng mga bagong raw materials.
6) Paano ako makakatulong sa tamang pagtatapon ng e-waste?
Para makatulong sa kalikasan at makasalba ng buhay, sali na sa E-Waste Zero program! Ang mga maliliit na luma at sirang gadgets ay maaaring dalhin sa mga participating Globe Stores. Para naman sa mga bulky e-waste na may bigat na 10 kilo pataas, libre ang pick-up sa inyong bahay. Magrehistro lamang sa https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability/environment.html.
“Hindi biro ang dalang kapahamakan ng hindi tamang pagtatapon ng e-waste. Kaya para matulungan na maging ligtas ang kapaligiran at ang kalusugan ng mga tao, ang Globe ay patuloy na gumagawa ng paraan para masolusyunan ang problemang ito,” ayon kay Yoly Crisanto, Globe SVP for Corporate Communications at Chief Sustainability Officer.
Ang Globe ay nananatiling nakatuon sa 10 mga prinsipyo ng UN Global Compact at tumutugon sa 10 UN Sustainable Development Goals tulad ng UN SDG Blg. 12 na naglalayon na paunlarin ang ekonomiya habang binabawasan ang pagkasira ng kapaligiran; at SDG No. 13 na nagsusulong ng mabilisang pagkilos para matugunan at maagapan ang mga problemang bunsod ng pagbabago sa ating klima.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga programa ng Globe para sa sustainable development, bisitahin ang https://www.globe.com.ph/about-us/sustainability.html
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.