Financial firm umatras na bilang katuwang na tagapamahala ng ari-arian ni Britney Spears
LOS ANGELES — Umatras na ang Bessemer Trust, isang wealth management company sa Amerika, sa tungkuling maging co-conservator ng mga ari-arian ni Britney Spears matapos na magpahayag ng pagtutol dito ang pop superstar.
Sa testimonya ni Britney, 39, sa Los Angeles court noong Huwebes, binansagan nitong abusado ang legal arrangement na nagsimula noon pang 2008 at nagtakda ng conservator para mamahala ng may $60 million na financial assets ng singer.
Ayon kay Britney, sa ilalim ng conservatorship arrangement ay sapilitan siyang pinainom ng lithium drug at pinagbawalang magpakasal at magkaroon ng anak.
Ang ama ni Britney na si Jamie Spears ang pinili ng korte na maging conservator noong 2008 matapos na maospital ang dalaga dahil sa problema sa pag-iisip. Noong nakaraang taon, inaprubahan ng Los Angeles Superior Court ang Bessemer Trust na maging co-conservator.
Pero ayon sa financial firm ay hindi pa rin nito nasisimulan ang trabaho bilang co-conservator dahil naghihintay pa ito ng mga kaukulang dokumento mula sa korte.
Sa petisyon nitong Huwebes, hiniling ng Bessemer Trust sa korte na pahintulutan na ang pag-atras nito sa tungkuling co-conservatorship. Kabilang sa dahilang binanggit ay ang pahayag ni Britney na ang arrangement na inapruhaban ng korte ay lumilikha ng “irreparable harm” sa interes ng singer.
Noong 2020, sinimulan ni Britney ang legal na proseso para tanggalan ang kanyang amang si Jamie ng anumang karapatan para mamahala sa business affairs ng singer. Hindi ito pinahintulutan ng korte.
Ang kontrobersiyal na isyung ito ng conservatorship ay mariing tinutuligsa ng mga fans ni Britney na may patuloy na kampanyang #FreeBritney sa social media.
Mula sa ulat ng Reuters
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.