Magkaiba si PNoy at Duterte
Ibang Pananaw - June 30, 2021 - 02:07 PM
Naging maingay sa social media ang pagkumpara sa dating pamahalaang PNoy at pamahalaang Duterte, at sa katauhan mismo nina PNoy at Pangulong Duterte matapos pumanaw ang dating pangulong Benigno C. Aquino lll noong nakaraang linggo.
Pinuri ng marami nating kababayan si PNoy at ang kanyang dating pamahalaan sa magagandang nagawa nito sa ating bansa, partikular sa larangan ng ekonomiya, at lalong-lalo na sa usaping demokrasya, human rights, foreign policy at malayang pamamahayag.
Marami tayong narinig, nabasa at nalamang magagandang bagay tungkol kay PNoy, mga bagay na ginawa niya para sa ating bansa, na tila hindi nabigyan ng pansin at nailahad noong siya ay nabubuhay pa. Bakit nga ba kailangan munang mamatay ang isang tao para malaman ang mga kabutihan at mga sakripisyong ginawa nito?
Si PNoy ay hindi naging perpektong pangulo. Isa tayo sa maraming bumatikos at kumontra sa kanyang mga aksyon at patakaran noong siya ay nasa kapangyarihan pa. Walang duda, marami rin syang naging pagkukulang bilang pangulo pero hindi natin maikakaila na marami rin siyang nagawa para sa ating bansa.
Ang kanyang iconic na “walang wang-wang policy” ay nagsilbi bilang paalala, literally at figuratively, sa lahat ng taong gobyerno na huwag abusuhin ang kapangyarihan. Sa ngayon balik ang “wang-wang”, balik ang mga abusadong taong gobyerno.
Kay PNoy, tayong mga mamamayan ang Boss niya. Ito ay isang figurative speech para idiin at ipaalala sa taong gobyerno, lalo na sa mga opisyal, na pagsilbihan ng mabuti ang taong-bayan, na ang kapakanan ng taong-bayan ang unahin, at ang interest ng taong-bayan ang isulong. Taong-bayan muna bago ang taong gobyerno. Tama naman ito dahil galing sa ating buwis o taxes ang mga pinapasuweldo sa kanila. Maging paalaala sana ito kay Pangulong Duterte na tayo ang kanyang Boss at inihalal siya bilang pangulo at hindi hari.
Tumayo si PNoy, nagsalita at ipinaglaban ang ating soberanya at teritoryo sa West Philippine Sea kontra China. Isang bagay na hindi ginawa at mukhang hindi gagawin ng Pangulong Duterte base sa kanyang solidong pro-China foreign policy.
Bagamat binatikos at kinutya ang kanyang personal na pagkatao, patakaran at mga aksyong ginawa habang nakaupo sa kapangyarihan, wala namang naipasarang media station sa panahon nya. Wala din taong pinakulong dahil ito ay kumontra o nagsalita laban kay PNoy. At hindi rin siya inakusahang nagpapatay ng mga tao upang ipairal ang kanyang patakaran. Sa panahon ni PNoy, naging lubos na malaya ang mga mamamahayag na hindi natin masasabi sa kasalukuyang pamahalaan. Sa panahon niya, nanaig ang rule of law at ginalang ang karapatang pantao, bagay na nawala sa kasalukuyan. Sa panahon ni PNoy, may transparent governance-isang tatak Aquino. Ngayon, maski presyo ng kinuhang made in China na vaccine ay hindi masabi sa sambayanan.
Disente at may dignidad ang pagkapangulo ni PNoy.
Tunay ngang magkaiba si PNoy at si Duterte
* * * *
Nag-umpisa na ang eleksyon para kay Pangulong Duterte at Senator Manny Pacquiao kung ang mga batuhan ng akusasyon sa isa’t-isa ang pag-uusapan.
Atin nang naisulat noon na si Senator Manny Pacquiao ang magiging tinik ng mga Duterte sa 2022 presidential at vice-presidential election kung sakaling tatakbo sa pagka-pangulo ang senador. Si Pacquiao ay isang tubo at laking Mindanao. Isang taga-Mindanao na lumaki sa hirap. Tinitingala at iniidolo siya sa Mindanao lalo na ang mga taong mahihirap. Nakikita nila sa boxing icon ang kanilang sariling buhay. Ika nga, nakaka-relate sila dahil dating mahirap si Pacquiao. Ang mga ito ay botante ng mga Duterte na maaaring sumuporta sa kandidatura ni Pacquiao. Hahatiin ni Pacquiao ang boto ng Mindanao. Hahatiin ni Pacquiao ang dapat sanang boto lamang para sa mga Duterte sa Mindanao. Bukod dito, mahahati rin ang pro-Duterte votes sa Luzon at Visayas.
Inaasahan din ng marami na magkakaroon ng ibang pananaw ang mga botante sa 2022 national election dahil sa pagpanaw ni PNoy.
Hindi maganda ito para kay Pangulong Duterte na mahigpit na nangangailangan ng isang maaasahang kaalyadong pangulo sa 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.