Covid-19 sa NCR: ‘Moderate low risk’ ngayon
Wag Kang Pikon - June 29, 2021 - 09:31 PM
Napapayapa ang loob ko kapag nakikita natin ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 dito sa Metro Manila. Mula sa pinakamataas na 5,534 bagong kaso sa isang araw noong March 29, ito’y nasa 667 na lang nitong June 27 o bumaba ng 88 percent.
Kung mga “weekly active cases” ang pag-uusapan, ito’y pumalo noon sa 30,110 noong Marso, ngunit nitong nakaraang linggo, ito ay 4,121 na. Ibig sabihin, bumaba ito ng halos 86 percent.
Sabi ng OCTA research, nasa moderate low risk dahil ang daily attack rate (ADAR) ay nasa 4.8 percent na lamang na mas mababa sa 5.0 standard. Gayunman, dapat daw manatili ang “GCQSR”, o GCQ with “some restrictions” ngayong papasok na buwan na inaprubahan naman ni Pres. Duterte noong Lunes.
Siyam na lungsod ang bumaba ang mga bagong kaso, tulad ng Caloocan, Marikina, Valenzuela, Quezon city, San Juan, Paranaque, Taguig, Pasig, at Pateros. Tumaas naman ito sa Maynila, Makati, Muntinlupa, Pasay, Malabon, at Las Pinas, samantalang hindi nagbago ang numero sa Navotas.
Kung tutuusin, maganda ang sitwasyon ngayon ng NCR, huwag lamang tayong tamaan ng mas delikadong DELTA variant. Kung ito’y di mapipigilan, sana ay sa panahong mas marami nang nabakunahan dito sa Metro Manila .
Sa totoo lang, ang malaking pagbagsak ng bagong mga kaso ay ang pagbakuna ng gobyerno sa mga “vulnerables”, ito po iyong mga senior citizens at mga may “co-morbidities” o may katabaan. Ayon sa talaan ng DOH, meron nang 4,205,508 ang nabakunahan dito sa NCR, 3.1M nito ay first dose samantalang 1.02M ang second dose. Noong kasagsagan ng COVID, marami sa tinatamaan at namamatay ay mga matatanda, o kaya naman ay matataba. Dahil protektado nangayon ang kabuuang 4M sa kanila, bumababa ang mga bagong kaso,
Ganyan din ang nangyari sa Amerika, kung saan inuna ang 16 percent ng kanilang populasyon na “seniors” at mga matataba naman na 36 percent. Matindi ang ginawa nilang pagbakuna kaya naman, ilang estado ay hindi na naghihigpit. Kaya naman maling maling ikumpara ang Pilipinas sa Amerika na kailangan ay 70 percent ng populasyon ang dapat mabakunahan.
Dito sa atin, kokonti ang ating “senior 65 above population” na 5 percent (US-16 percent) samantalang ang mga “matataba” sa atin o may co-morbidities ay konti rin nasa 6 percent (US-36 percent).
At dahil ang mga seniors at may comorbidities ang unang nabakunahan bilang A2, at A3 category, marami ang agad nagkaroon ng partial o full “immunity”sa NCR kayat hindi na nagkasakit o nahawaan. Mas dumami a ngayon ang protektado dahil sa category . Idagdag mo A4 o iyong mga economic workers na mas malakas ang katawan at nagtatrabaho.
Ano ang ipinapahiwatig ng ganitong mga numero? Kung lahat ng mga “vulnerables” sa NCR ay nabakunahan na, lalo pang bababa nationwide kung mabakunahan din nang mga seniors at may comorbidities sa mga lalawigan at ibang rehiyon.
Sinasabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez jr. na nakayanan ng gobyernong magbakuna ng 10M vaccinations nitong nakaraang linggo. At target nilang makapagbakuna ng 5M doses bawat buwan magmula ngayon. Samantalang ang supply ng 40 million doses ay dadagsa na rin at lalong mapapabilis ang pagbigay proteksyon sa mga mamamayang tinatarget ng COVID-19.
Sa madaling salita, iyong sinasabi nilang “herd immunity”, “population protection” at “containment” ay mas mabilis na ngayong mangyayari at hindi na kailangan turukan ang 70 percent ng kabuuang populasyon.
Sabi ko kanina, huwag lamang manggulo ang binabantayan at mas nakakahawang “Delta variant”, isang magandang Pasko ang mangyayari. Kung talaga namang darating, karamihan sa taumbayan, lalo na ang mga “vulnerables” ay nabakunahan na at protektado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.