Kahit ano, huwag lang made in China vaccine
Ibang Pananaw - May 28, 2021 - 04:44 PM
Ako ay kritiko ng Pangulong Duterte sa kanyang solid pro-China stance at appeasement policy tungkol sa West Philippine Sea. Ako ay kritiko ng Pangulong Duterte at kontra sa kanyang pro-China foreign policy na ipinaiiral ng kanyang pamahalaan. At lalong-lalo na, ako ay kritiko ng Pangulong Duterte at hayagang tinuligsa at tinutuligsa ang kanyang pagkiling at halos pag-endorso ng made in China na vaccine kontra COVID-19.
Dahil sa aking nasabing pananaw, partikular ang usaping pagkiling ng pamahalaang Duterte sa made in China vaccine, matagal na akong nagdisisyon na huwag magpabakuna ng gawa sa China. Mas gugustuhin ko ng magkasakit ng COVID-19 kaysa gumamit ng made in China na vaccine. Mas pipiliin ko ang sakit kaysa mabatikos. Pipiliin ko ang sakit at kamatayan kaysa mawalan ng kredibilid at karangalan. Kaya, kahit anong vaccine huwag lang made in China.
Ito ang ating naging pahayag sa ating mga kaibigan ng mabatikos ang ilang mga kritiko ni Pangulo at ng kanyang pamahalaan na nagpabakuna ng made in China. Ito ay aking sariling pananaw. Aking pinili at hindi dapat maging pamantayan sa ibang tao, lalo na sa mga katulad kong kritiko.
Marami ang bumatikos sa mga kritiko ng Pangulo at sa pamahalaan nito, nang ang mga ito ay nagpabakuna ng made in China. Mas nabatikos ang mga direktang nagpahayag, kumontra, at tumuligsa sa tila pro-China made vaccine policy ng Pangulo. Tinawag silang ipokrito. Pinagdudahan ang kanilang kredibilidad. Tinuligsa ang kanilang karangalan. Binato at pinagsabihan ng masasakit na salita.
Hindi maitatanggi na marami sa nasabing kritiko ay nagpabakuna ng made in China. Bagamat tayo ay may ibang paninindigan tungkol dito, tayo ay nakikiisa sa nagsasabi na hindi dapat sila husgahan. Na hindi dapat sila kutyain. Na hindi dapat pagdudahan ang kanilang kredibilidad. Dahil sa prinsipyo, ayaw nilang magpabakuna ng made in China ngunit napilitan sila dahil wala naman silang magawa, wala silang mapagpipiliang bakuna. Natapat na ang bakunang made in China lang ang available ng oras at schedule ng kanilang pagbakuna sa kanilang local government unit (LGU). Para palagpasin pa ito at magpalista ulit na walang katiyakan kung kailan muli sila mapapatawag at ma-schedule ay maaaring isang pagkakamali o masyadong delikado sa ilan, lalo na sa mga kritikong mga senior citizens o may karamdaman. Maski siguro kayo ang malagay sa ganitong sitwasyon, mapipiltan na kayong magpabakuna ng made in China.
Hindi lang sa mga kritiko nangyari ang ganito. Marami pa rin sa ating kababayan ang may duda sa bakunang made in China at mas gustong mabakunahan ng ibang vaccine ngunit napilitan dahil ito ang ginagamit (available) ng LGU ng oras at schedule ng kanilang bakuna. Tulad ng mga ilang kritiko, wala rin silang magawa. Wala rin silang mapagpilian.
Kung ginawa lang sana ng mga namumuno sa pamahalaan ang kanilang tungkulin na agarang kumuha at bumili ng vaccines na gawa sa ibang bansa at hindi lang tinutok sa made in China vaccine ang oras at resources nito, mas may pagpipilian sana ang mga kritiko at ang ating mga kababayan. Nakakuha at nakabili sana tayo ng 10 Million doses na vaccine na gawa ng Pfizer kung hindi lang sana “somebody dropped the ball.” Ang nangyari, halos sinubo sa atin ang made in China vaccine. Ito ang unang kinuha at binili maski mas mababa ang efficacy rate nito kumpara sa vaccine na gawa sa ibang bansa. Ito ang kinuha at binili maski mas mahal ito kaysa sa gawa ng ibang bansa.
Tayo ay hindi kontra sa anumang made in China vaccines. Walang duda at naniniwala tayo na epektibong bakuna ito laban sa COVID-19. Marami ng eksperto ang nagpatunay na ito ay isang mabisang vaccine. Ang ating tinutuligsa at pinupuna ay ang pagkiling ng Pangulong Duterte dito. May mga iba pang pagpipilian na vaccine noon at ngayon na maaaring kasing bisa o higit pa sa made in China pero pinilit ng Pangulo sa atin ito.
Aking hinihimok ang mga tao na magpabakuna laban sa COVID-19 at may punto ang sinasabi ng iba na the best COVID-19 vaccine is the available vaccine. Pero may karapatan tayong mamili kung anong klaseng bakuna ang gagamitin sa atin at hindi tayo mapipilit nino man pati na ng gobyerno na gumamit ng isang partikular na bakuna. Karapatan din natin malaman, at obligasyon din ng gobyerno na ipaalam muna sa atin kung anong gawa o klase ng bakuna na gagamitin sa atin. Walang lugar sa demokrasyang bansa gaya natin ang gustong ipairal na “brand agnostic” ng ating pamahalaan.
Sa aking parte, bilang isang kritiko ng Pangulo lalo na sa usaping pagbibigay ng pagkiling sa pagkuha at pagbili ng vaccine na made in China, kahit anong vaccines pwede sa akin gamitin, huwag lang made in China.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.