Napakain ko ang pamilya ko dahil sa social media!
MALAKI ang tinatanaw na utang na loob ng Kapamilya young actor at The Gold Squad member na si Seth Fedelin sa social media.
Mahigit dalawang taon na ngayon sa showbiz ang binata at in fairness, sa kabila ng patuloy na banta ng pandemya, nabibigyan pa rin siya ng magagandang proyekto sa ABS-CBN.
Bukod sa inspirational drama series na “Huwag Kang Mangamba”, bibida rin si Seth sa isang episode ng bagong digital anthology series na “Click, Like, Share” kung saan makakasama niya ang anak ni Sen. Manny Pacquiao na si Jimuel Pacquiao.
“Ako du’n si Kokoy, ang istorya ng episode namin ay napapanahon ngayon, na pagbukas mo ng social media makikita mo yung ganu’n, yung tipong hindi mo alam kung totoo ba yung sinasabi niya. So parang titingnan nila kung sino yung may kasalanan,” kuwento ni Seth sa ginanap na virtual mediacon para sa nasabing show.
Dito, inamin din ng aktor na hindi talaga siya super active sa paggamit ng social media, “Ako kasi yung tao na talagang hindi ako ma-social media. Lalo na pag nasa bahay ako, mas pinipili kong makipag usap sa mga tao na nandun sa bahay kesa humawak sa cellphone.
“Pag mga tipong importante lang halimbawa may kailangan ipasa, saka ako nag-so-social media. Yun lang, hindi talaga ako madalas mag-social media,” pag-amin ng ka-loveteam ni Andrea Brillantes.
Aniya pa, “Sa totoo lang hindi ako lumaki sa social media hanggang ngayon. Hindi ko siya nakaugalian kasi nung bata kami wala naman kaming cellphone, wala naman kaming computer, as in.
“Parang nagka-cellphone lang ako fourth year high school, grade 10. So talagang wala ako diyan. hindi ko alam paano gumamit ng mga apps na ganyan.
“Pero ang pinaka-best naman na nangyari nang dahil sa social media ay napakain ko ang pamilya ko. Hanggang ngayon napapakain ang pamilya ko at nakakabayad ako ng bills sa bahay namin dahil sa social media. Isa yun sa pinaka best na nangyari sa paggamit ko ng social media,” sey pa ni Seth.
Ipinaliwanag din niya kung bakit hindi siya gaanong nakikipag-interact online, “Wala, kasi pag may nakikita ako online, binabasa ko lang siya. Hindi ako yung tipo na nakikibaka. Hindi ako yung gagatungan ko pa, dadagdagan ko, makikipag-away ako.
“Wala akong ganu’n. Ang ginagawa ko lang is isi-share ko lang siya. Pero iisipin ko ng madaming beses. Pero hindi ako magsasalita about doon sa content nung nakita ko tapos pag may nangyari sa akin pagsisisihan ko. Hindi ako ganu’n,” dagdag pa ng binata na sinasabing susunod daw sa mga yapak ng King of Hearts na si Daniel Padilla.
Ang “Click, Like, Share” ay mula sa produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment with Dreamscape Entertainment and Kreativ Den. Watch “Click, Like, Share” starting on June 5 on KTX.ph, iWantTFC, and TFC IPTV and soon on Upstream.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.