John Lloyd: Utang ko ang buhay ko sa anak ko!
“KUNG wala yung anak ko, baka wala na rin ako rito,” ang paulit-ulit na sabi ni John Lloyd Cruz patungkol sa pagdating ni Elias Modesto sa kanyang buhay.
Binago raw ng kanyang anak sa dati niyang ka-live-in na si Ellen Adarna ang mga pananaw niya sa buhay at talagang tinatanaw raw niyang malaking utang na loob kay Elias kung bakit mas nagkaroon ng kabuluhan ang buhay niya ngayon.
“Anak ko talaga yung ano ko, yun ang teacher ko. Malaki ang papel nu’n sa kung bakit ako ay nandito pa ngayon.
“Malaki ang talagang papel niya kung bakit, di ba, bumabangon ka, nagsusumikap ka.
“Kaya, naku, talagang malaki ang utang na loob ko sa kanya, utang ko, utang ko ang buhay ko sa anak ko. Kung wala yung anak ko, baka wala na rin ako dito,” dire-diretsong pahayag ni Lloydie sa isang panayam kamakailan.
Halos limang taon nang hindi aktibo sa showbiz si John Lloyd matapos mag-indefinite leave taong 2017. Mas pinili niyang mamuhay nang simple sa probinsya kasama si Ellen at ang kanilang anak.
Ngunit balitang anytime soon ay babalik na siya sa pag-arte nang mapabalitang pumirma na siya ng kontrata sa talent management ni Maja na Crown Artist Management.
Sa tanong kung mas napalapit siya sa Diyos sa ilang taong pamamahinga sa showbiz, “Yun yata yung essence nu’n. Parang there’s no other way kundi mas mapalapit ka pa.”
“Lagi na lang akong nagpapasalamat sa kung anong meron ka dahil nakikita mo na. Parang luminaw ba, di ba?
“Wala na yung mga agam-agam mo o paghahangad sa kung ano yung wala ka. Kasi mas sumimple lang naman. Ang laki ng isinimple ng lahat.
“Simple lang pala siya. Nagpaikut-ikot ka pa. Simple lang pala siya. Ayun, makita mo kung ano yung meron ka, at makita mo yung halaga kung ano yung meron ka,” pahayag pa ni John Lloyd.
Kamakailan, kinumpirma na rin ni Bea Alonzo na tuloy na ang reunion project nila ni Lloydie na ngayon pa lang ay inaabangan na ng kanilang loyal fans.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.