Rabiya todo ensayo na para sa Q&A ng Miss Universe; handa nang irampa ang ‘hala bira’ walk
BUKOD sa “agimat” na ipinahiram ni Pia Wurtzbach bilang “lucky charm” may isa pang bonggang panglaban si Rabiya Mateo sa nalalapit na grand coronation night ng 2020 Misa Universe pageant.
Walang tigil sa paghahanda si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo para sa pagrampa niya sa entablado ng Miss Universe sa darating na May 16 na gaganapin sa Seminole, Hard Rock Hotel and Casino sa Hollywood, Florida, USA.
Isa sa inaabangan ng Pinoy pageant fans ay ang panggulat na signature “hala bira” walk ni Rabiya sa 69th Miss Universe na ihahatid naman ng ABS-CBN nang live sa A2Z sa May 17, 8 a.m..
Ayon sa 24-anyos na Ilongga sa isang panayam, “going strong” ang kanyang “hala bira” walk dahil subsob siya sa training sa ilalim ni Miss Universe Philippines creative director Jonas Gaffud.
Araw-araw ding pinapraktis ni Rabiya ang kanyang mabigat ngunit magagandang gowns para sa pageant night. Sinasanay na rin ni Rabiya ang sarili na makuha ang Filipina hair and makeup look niya sa finals night.
Puspusan din ang paghahasa ni Rabiya para sa Q&A portion na isa sa mga inaabangang segment ng kompetisyon.
“Now I really need to study the social issues. Q&A ang favorite segment ko sa competition. Eh, I like to study. I love to learn. So sana makapasok sa top five para magamit ang mga napag-aralan,” ayon pa sa pambato ng Pilipinas sa inaabangang pageant sa buong universe.
Suportahan ang pambato ng Pilipinas at saksihan ang koronasyon ng bagong Miss Universe sa paghahatid ng ABS-CBN sa “69th Miss Universe Competition” LIVE mula sa Florida, USA sa A2Z sa ika-17 ng Mayo, 8 a.m. May replay din ito sa A2Z sa 10:30 ng gabi.
Samantala, ilang araw bago ang inaabangang coronation night, ay isa-isa nang bumabandera ang mga designer na magdadamit kay Rabiya.
Sa official social media post ng Miss Universe Philippines nabanggit na ang dalawang designer na magdadamit sa dalaga mula sa preliminary hanggang sa evening gown competition.
Nandiyan ang Dubai-based Filipino fashion designer na si Furne One Amato na nakilala sa kanyang bongga at naiibang disensyo na favorite rin ng Hollywood stars tulad nina Katy Perry, Heidi Klum, Mariah Carey at Ariana Grande.
Bukod kay Amato, may irarampa rin si Rabiya na ginawa ng yumaong international Pinoy designer na si Rocky Gathercole.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.