Dating direktor ng ‘Probinsyano’ pumanaw na matapos tamaan ng COVID-19
PUMANAW na ang veteran director na si Toto Natividad kaninang umaga ilang araw matapos tamaan ng COVID-19. Siya ay 63 years old.
Kinumpirma ni Navotas Mayor Toby Tiangco ang malungkot na balita sa pamamagitan ng isang Facebook post ngayong Martes ng hapon.
Ayon sa alkalde, bago sumakabilang-buhay, talagang ginawa ni Direk Toto o Federico Natividad Jr. sa totoong buhay, ang lahat ng kanyang makakaya para matulungan ang kanyang mga constituents bilang punong barangay ng North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran.
Narito ang FB post ni Mayor Toby hinggil sa pagpanaw ng beteranong action director, “Isa na namang masipag na serbisyo publiko at matapat na katuwang ng pamahalaang lungsod sa paglaban sa pandemya ang nawala sa atin. Ikinalulungkot po nating ibalita ang pagpanaw ni Kap. Toto Natividad, punong barangay ng North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran.
“Kahit na senior citizen na at bahagi ng bulnerableng sektor na may mas mataas na tyansang mahawa ng COVID-19, hindi nagpapigil si Kap. Toto sa pangunguna sa pag-asikaso at pangangalaga sa kanyang mga kabarangay.
“Palagi ang kanyang paalala sa kanyang nasasakupan, mapa-personal o sa social media, na mag-ingat para makaiwas sa sakit. “Nakikiramay tayo sa kanyang pamilya, kaibigan at lahat ng mahal sa buhay, at sa lahat ng mga taga-NBBS Kaunlaran. Malaking kawalan si Kap Toto, hindi lamang sa inyo, kundi sa buong Navotas.
“Hindi matatawaran ang kanyang paglilingkod, at nawa’y manatili sa atin ang mga aral na kanyang naituro at kabutihan na kanyang nagawa,” aniya pa.
Mensahe naman ng isa sa staff ni Direk Toto na si Katherine Molina Despa, “REST IN PEACE Direk Toto Natividad. Salamat po sa lahat ng kabutihan mo sa amin. Sa masasayang kwentuhan at magaang na ka trabaho bilang director, cool na director, hindi madamot sa kaalaman.
“Hindi kita narinigan ng masamang salita o manigaw sa set, cool na cool ka po at smile lang. Mabait na tao at napaka matulungin, madaling lapitan sa oras ng pangangailan. Salamat, salamat ng marami po.
“Dalaga palang ako at Bit Player magkatrabaho na po tayo at magkaibigan. Hanggang sa mag asawa at naging SCRIPTCON mo at STAFF po. Nakakabigla at napaka sakit kasi nga naging pamilya narin po tayo.
“Salamat sa pagtitiwala din po sa asawa ko kay Elmer na mula noon mga bata-bata pa po tayo hanggang ngayon naging mag partner din po kayo sa trabaho. Hindi ka po namin makakalimutan.
“Salamat po Direk may you Rest In Peace. Ma mimiss ka namin. We love you po.”
Kasunod nito, bumuhos na ang mga mensahe ng pakikiramay sa mga naulila ng direktor mula sa mga kaibigan at katrabaho ni Direk Toto sa showbiz.
Bago mamaalam ang direktor, nanawagan pa last week sa Facebook ang anak niyang si John Isaac Natividad, “Ako po ay mapagkumbababang humihingi ng tulong po para sa aking ama na si Direk Toto Natividad, kailangan po maconfine ni papa sa ospital.
“Nahihirapan po kami ngayon makahanap ng ospital dahil puno po lahat. baka po makahingi ng tulong niyo,” aniya pa.
Kasunod nito, nagsagawa rin ng fundraising campaign ang kanyang pamilya para sa matustusan ang pagpapagamot sa kanya matapos nga siyang dalhin sa ICU o intensive care unit.
Kabilang sa mga proyektong nagawa ni Direk Toto ay ang mga teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin, “Cain at Abel” nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo, “Dugong Buhay” ni Ejay Falcon, “Panday” nina Jericho Rosales at Heart Evangelista, at “Pieta” nina Ryan Agoncillo at Cherie Gil.
Ilan sa mga pelikulang idinirek niya ay ang “Wangbu,” “Anak ni Boy Negro,” “Notoryus,” “Suspek,” “Ex-Con”, “Ping Lacson: Super Cop,” at marami pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.