Angel nag-sorry: Gusto ko lang i-celebrate ang birthday ko, hindi ko po intensiyon na magkagulo
https://www.facebook.com/watch/?v=165992405419442
“PASENSIYA na po. Hindi po ito ang intensyon ko.” Iyan ang bahagi ng pahayag ni Angel Locsin matapos sugurin ngayong araw ng mga taga-Quezon City ang itinayo niyang community pantry.
Hindi inaasahan ng Kapamilya actress na magkakaroon ng kaguluhan at kalituhan sa isinagawa niyang relief mission bilang bahagi ng kanyang birthday celebration.
Napakarami kasi ang nagpunta sa community pantry ni Angel sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City para makakuha ng pagkain kaya naman hindi na nakontrol ang pagdagsa ng tao sa lugar.
May mga litrato at video na kumalat sa social media kung saan makikita ang mga taong naroon na hindi na sumusunod sa health protocols, partikular na ang social distancing.
Dahil dito, agad na nagpaliwanag si Angel sa pamamagitan ng Facebook Live at sinabing bago pa nila simulan ang pamimigay ng ayuda ay siniguro nilang maayos na maipatutupad ang protocols. Naglagay pa raw sila ng markers kung saan pipila ang mga tagaroon.
Bukod dito, humingi rin sila ng assistance sa barangay, munisipyo at pati sa AFP at PNP para masiguro ang kaligtasan ng mga pupunta sa pantry.
Sabi pa ng aktres, maaga rin silang nagbukas dahil madaling araw pa lang ay may nakapila na, “Ngayon po ay 11:10 ng umaga. Dapat po magsisimula po ang community pantry ng alas diyes ng umaga. Pero nung dumating kami ng 7 a.m. dito, nakita po namin na mahaba na ang pila.
“So, nagmadali po kami na mag-load ng mga gulay kasi kinuha pa po namin yun sa bagsakan. Kaya kanina namin siya inimpake.
“So, dapat yung alas-diyes namin na pagbubukas, nag-open po kami ng alas otso pasado,” esplika ng dalaga.
Aniya pa, “Nagsimula kami nang maayos po. Though mahaba yung pila, may social distancing po siya.
“Tsaka yung mga tao nagbigay kami ng pwedeng orderan, pipiliin na lang po nila para mas mabilis ang pila. Maayos naman po. May mga instructions kaming binigay,” paniniguro pa ni Angel.
Patuloy pang paliwanag ng aktres, “Then, parang habang ini-intiveriew yung parang mga task force, parang yung mga wala pong stubs ang pagkakakuwento sa akin kasi busy po ako, nagbibigay po ako ng goods, yung wala pong stubs ata, sumingit sa pila.
“Na naiintindihan ko naman po kasi kanina pa sila naghihintay. Yun ang dahilan kung bakit nagsisiksikan. Pero nagsimula kami nang maayos naman po talaga,” aniya pa.
Ang naging problema raw talaga ay ang nangyaring singitan sa pila, “Yung aking ramp kunsaan kami nagbigay, may mga markers pa po na nakalagay para ma-observe po talaga yung social distancing at maka-follow kami ng protocols.
“Nagpatulong kami sa munisipyo sa aming barangay din po. May mga pumunta dito na police at military na tumulong din po. Pero yun lang po, hindi lang talaga nila makontrol ang mga tao.”
Ipinagdiinan muli ni Angel na, “Hindi po ito ang gusto ko. Nagsimula kami na maayos ang aming layunin pati ang pagpaplano ng social distancing.
“Nagkataon lang po na siguro, gutom lang po yung tao, na kahit wala sa pila, sumingit na po sila,” sabi pa ng fiancée ni Neil Arce.
“Sa mga nagambala po dito, pasensiya na po. Hindi po ito ang intensyon ko.
“Ako po ay umakyat na po ngayon kasi kinausap ako na baka yung iba dito nais lang magpa-picture.
“So, umakyat muna ako dito para kahit papaano makabawas sa sikip sa baba. Pero sa lahat po ng naabala ngayon, pasensiya na po, hindi po ito ang intensiyon natin.
“At kahit na ano pong paghahanda natin para ma-avoid yung ganitong gulo, hindi lang po talaga siya ma-control.
“Kahit na nandito yung munisipyo, nandito na yung military, nandito na yung barangay, lahat po nandidito na po. Hindi lang namin talaga makontrol.”
Balitang tatlong araw sana tatagal ang community pantry ni Angel base na rin sa permit na nakuha nila pero nagdesisyon na ang aktres na tapusin na ito ngayong araw para hindi na lumala ang sitwasyon.
“Sa mga hindi po mabibigyan today, nais ko rin magsabi ng pasensiya po. Gustuhin ko man mag-abot, I don’t think papayagan pa po ako ulit na gawin ito.
“Baka po ipahatid na lang po namin kung ano man matitira naming goods sa inyong lugar dito para mapakinabangan ng iba.
“Again, pasensiya po. Pasensiya po talaga. Gusto ko lang i-celebrate ang birthday ko sana na makatulong ako sa mga tao.
“Hindi ko po intensiyon na makagulo,” paliwanag pa niya.
RELATED VIDEO
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.