Elijah Alejo pahinga muna sa pagiging kontrabida; Anna Vicente binigyan ng big break ng GMA
MALAYO sa kanyang previous role as Brianna sa “Prima Donnas” ang karakter na ginagampanan ngayon ng Kapuso young actress na si Elijah Alejo sa third episode ng groundbreaking drama series na “I Can See You: The Lookout.”
Mabait at may pagka-naive kasi si Christine, ang role nga ni Elijah sa “The Lookout” kaya siguradong magugulat raw ang manonood sa kanya.
Kuwento ng dalagita, “Medyo nanibago po ako sa character ko na napakabait, napakahinhin, and napaka-naive. Iyong dating character ko po kasi masyadong nakakainis sa buhay.”
Nasanay kasi si Elijah sa mga eksenang may halong pambu-bully, sigawan, sabunutan at kung anu-ano pang kanegahan sa buhay.
Ang “The Lookout” ay pinagbibidahan nina Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza, Kapuso hunk Paul Salas at veteran actor Christopher de Leon.
Kwento ito ng isang raketera girl na nagdesisyong kumapit sa patalim para makahanap ng perang ipangtutustos sa pagpapagamot ng kanyang kapatid na may sakit.
Nagsimula na last Monday ang “I Can See You: The Lookout” at mapapanood hanggang sa Biyernes, pagkatapos ng “First Yaya” sa GMA 7.
* * *
Parte ng bigating cast ng upcoming GMA Afternoon Prime series na “Ang Dalawang Ikaw” ang Kapuso actress na si Anna Vicente.
Magsisilbi itong big break kay Anna kaya naman sinisiguro raw niya na magagampanan nang maayos ang kanyang karakter.
“For ‘Ang Dalawang Ikaw’, sinend po sa amin ‘yung script beforehand, so talagang super basa po ako ng script and we went sa workshops din through Zoom to practice the characters,” aniya.
Matatandaan na dating sumali sa Little Miss Philippines ng “Eat Bulaga” si Anna. Kuwento niya, talagang bata pa lang ay pangarap na niyang maging isang artista at gumanap sa iba’t ibang klaseng roles.
Abangan ang kakaiba at nakaiintrigang role ni Anna sa “Ang Dalawang Ikaw,” na malapit na ring mapanood sa GMA. Pinagbibidahan ito nina Ken Chan at Rita Daniela.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.