Julia Montes miss na miss na ng fans kaya may ‘paramdam’ sa ABS-CBN
MARAMING nakaka-miss kay Julia Montes lalo na ang kanyang mga loyal fans na talagang gumawa pa ng teaser para isang “teleserye” na ang titulo ay “Rubi”.
Nilagyan naman ng disclaimer ng mga taong nasa likod ng kunwari’y teaser ng serye para hindi malito ang mga makakakita nito.
“Ito pong video na ito ay fanmade. Hindi po totoo na may remake ulit ang ‘Rubi’ at isa lang po ito ay kathang-isip lamang. Maraming salamat sa pagkakaintindi mula sa Fanmade Teleserye Trailers,” nakasaad sa disclaimer.
Umabot na sa 46,000 ang nasabing teaser at nakakatuwa dahil ang gusto ng fans na makasama ng aktres dito ay sina Ejay Falcon, Alyssa Muhlach at Arjo Atayde.
Natuwa kami sa teaser na ito kaya ipinost din namin sa aming Facebook page na baka nga pwedeng mabigyan na ng bagong series si Julia ng Dreamscape Entertainment na siyang nag-aalaga sa aktres.
Sabi nga ng isang nag-comment, “Sana magkatotoo ito. Ang tagal na rin walang teleserye sa primetime bida si actress Julia Montes, sayang ang ganda at galing niya sap ag-arte kung babalewalain lang ng ABS-CBN.”
Sa pagkakaalam namin ay maraming offers si Julia pero tumatanggi ang aktres dahil nga abala siya sa kanyang pag-aaral kung saan nasa ikalawang taon na siya sa kolehiyo.
Saka pandemya ngayon at ayaw muna niyang maglalabas kahit pa naka-lock-in taping/shooting dahil nga kasama niya sa bahay ang lola niya na vulnerable magkaroon ng sakit.
Abang-abang na lang din baka magbago pa ang isip ni Julia kapag nabakunahan na ang lahat at kahit nasa new normal pa rin tayo.
* * *
Dahil nag-hit ang BL series na “My ExtraOrdinary” na pinangunahan nina Darwin Yu at Enzo Santiago mula sa Asterisk Entertainment ay muling gumawa ng online 8-episode series si Kristian na CEO at Presidente ng nasabing kumpanya.
Ito ang “Wheel of Love: Weekend to Remember” mula sa direksyon ni Jolo Atienza na isinulat naman ng mga kilalang teleserye writers ng ABS-CBN na sina Jaymar Castro at Jaja Amarillo.
Sa walong episodes nito ipakikita ang iba’t ibang kuwento ng pagmamahal sa magkakapatid, kaibigan, kasintahang babae at magkasintahang kapwa lalake or romcom stories.
Ipinaliwanag ni Yam Mercado isa sa cast at unang nakilala sa pelikulang “Culion,” “The series is labeled as the rom-com series kasi gusto naming magtransition na we don’t have the classification na it’s a BL series. Pinagsama-sama namin ‘yung different stories na merong clear, merong straight, hetero.”
Ayon sa producer na si Kristian isa rin sa dahilan kung bakit siya muling nag-produce ng online series sa panahon ng pandemya ay para magbigay din ng sarili nilang kuwento sa panahon ng pandemya na halos lahat ng tao ay nasa kani-kanilang mga bahay at nagba-browse kung ano ang puwedeng mapanood sa online platform.
Pero higit sa lahat para mabigyan ng projects ang mga kasama sa “Wheel of Love” ng trabaho na halos lahat ay baguhan at hindi pa napapansin ng TV networks kaya naisip niya sa pamamagitan ng series na ito ay baka magkaroon sila ng chance na mapasama sa mga serye ng ABS-CBN, GMA 7 at TV5.
Sa ginanap na zoom interview ng “WOL” ay natanong namin si Kristian kung dumaan sa audition ang mga cast na sina Nico Nicolas (Miguel Asuncion), Sam Cafranca (Mateo Asuncion), John Cortez (Romeo Asuncion), Enzo Santiago (Markie Asuncion), Hannah Balahadia (Merry Asuncion), at Gilleth Sandico. Kasama rin sina Yam Mercado, Kristine Hammond, Orly Mejia, Sean Guyamin, Philip Dulla, Ayumi Takezawa, Daryll Rodriguez, Louie Caminade, Tysh Basa, Carl Williams, Keijee Mesina at Coco Chanel.
“Everyone po in the cast were handpicked by me. Ako ‘yung namili kung sinong artista ang gaganap sa bawa’t karakter dahil personal ko silang kilala kaya alam ko kung ano ‘yung kaya nilang ibigay o acting experience at acting skills nila kaya ang gaan at ang bilis natapos ng shoot at karamihan sa kanila ay ‘take one’ lang,” paliwanag ng producer.
At dahil pandemya ay lock-in shooting ito na ginanap sa isang resort sa Pangasinan na umabot ng isang linggo at lahat ng health protocols ay sumunod ang lahat.
“Sinunod po namin ang health protocols ng FDCP at LGU ng Pangasinan. We had antigen swab test entrance and exit swab test and very thankful dahil lahat kami negative. We also had safety officers on the set to monitor everything like pack-up shooting (14 hours’ work),” kuwento ni Kristian.
Ang isa sa cast na si Nico Nicolas na napansin noong nag-audition sa “Pinoy Boyband Superstars” pero hindi napili sa finale ay natanong kung kumusta ang buhay pandemya.
“Lahat naman tayo sobrang apektado dahil sobrang na-limit ang galaw natin. May mga out of town shows and out of the country shooting, mga endorsement na kailangang puntahan at concerts na cancelled lahat pati flights ko kaya sobrang thankful ako sa management ng Asterisk dahil nabigyan ako ng series kasi 1 year akong hindi nagwork (2020) as in nasa bahay lang ako, kaya sir Kristian, thank you,” pagtatapat ni Nico.
Ang ibang cast ay may kanya-kanyang kuwento rin tungkol sa pinagdadaanan nilang pandemya kaya laking pasalamat nila sa “Wheel of Love” series dahil may trabaho at ginagawa sila para na rin sa kanilang mental health.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa 10,000 ang views ng “Weekend to Remember” episode na napanood nitong Linggo ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.