Dapat bang pagdudahan ang kalusugan ng Pangulo?
Nagpakita at nagsalita na rin ang ating Pangulo matapos nang halos dalawang linggong katahimikan sa kasagsagan ng pagtaas ng bilang ng nagkaroon at namatay sa COVID-19 at tensyon sa West Philippine Sea.
Sa kanyang pre-taped national address noong Lunes ng gabi, pinabulaanan ng Pangulo na siya ay may malubhang karamdaman na maaaring pumigil na gampanan ang kanyang mga tungkulin. Nagsalita rin ang Pangulo tungkol sa mga nananalangin na may mangyaring masama sa kanya.
Katulad ng marami, tayo ay dismayado rin sa nasabing national address ng Pangulo dahil hindi nito ipinaliwanag kung bakit wala siya nang ang mga tao ay nagkakamatayan sa labas ng mga hospital dahil sa kakulangan ng hospital rooms at beds, ICU, health workers, oxygen, at iba pa.
Wala rin sinabi at paliwanag ang Pangulo kung bakit wala siya o walang direktang naging reaksyon sa kanyang panig tungkol sa mainit na isyu at tensyon na nagaganap ngayon sa West Philippine Sea. Matatandaan na mistulang sinakop ng China ang ating Juan Felipe Reef sa West Philippine Sea nang illegal na ukupahan ito ng higit 200 Chinese maritime militia vessels.
Ang Pangulo ay inihalal para mamuno sa ating bansa lalo na sa mga oras ng national crisis, gaya ng nangyayari ngayon sa atin dala ng pandemya pati na ang isyu at tensyon sa West Philippine Sea. Bilang punong lider ng ating bansa, umaasa sa kanya ang sambayanan ng gabay at inspirasyon upang malutas ang crisis na ating hinaharap. Sa Pangulo nakapasan ang mabigat na responsibilidad na iahon tayo sa ganitong klaseng crisis. Buhat niya ang responsibilidad na maibsan maski papaano ang kahirapan ng mga tao sa panahon ng pandemya. Bilang Pangulo, nasa balikat nya rin harapin at ipagtanggol ang territorial integrity ng ating bansa.
Sa aking pananaw, hindi nagpakita ang ating Pangulo ng tamang pamumuno at pamamahala (leadership and governance) sa panahon na kailangan ipakita at iparamdam ito sa sambayanan. Hindi siya nagpakita, nagsalita, at nakiisa sa mga nabiktima, namatayan at sa sambayanan ng sumipa ang bilang ng may sakit na COVID-19 at nagkakamatayan sa labas ng mga hospital ang mga tao dala ng kakulangan ng hospital beds at room, ICU, oxygen, health workers at iba pa.
No-show at no comment din ang Pangulo habang nagkakaroon ng tensyon sa West Philippine Sea na maituturing isang national security crisis.
Malaking bagay sana kung ang Pangulo, sa pamamagitan ng isang national address na gaya ng ginagawa niya tuwing Lunes, ay nagpakita, nagsalita at nakiisa sa sambayanan sa ganitong panahon at sitwasyon. Naibsan sana maski papaano ang lungkot at pangamba ng sambayanan at ng mga nabiktima ng sakit. Sa panahon ng pagdadalamhati at walang kasiguruhan dulot ng pagtaas ng bilang ng may sakit at sunod-sunod na namamatay sa COVID-19 dapat lang sanang nagpakita at nagsalita ang Pangulo upang pawiin ang pangamba ng sambayan at upang mabigyan sila ng kasiguraduhan at pag-asa. Nararapat lang din na magpakita at magsalita ang Pangulo tungkol sa nagaganap na tensyon sa West Philiipine Sea upang mapawi ang pangamba ng sambayanan tungkol dito.
Ang no-show o hindi pagpapakita ng Pangulo sa panahon ng matinding health at national security crisis na naganap noong nakalipas na 2 o 3 linggo ay hindi lang nagpakita ng kahinaan ang Pangulo sa larangan ng pamumuno at pamamahala (leadership and governance), ito rin ay nagdulot ng haka-haka o usapin tungkol mismo sa kalusugan ng Pangulo.
Kumalat sa social media ang usapin tungkol sa kalusugan ng Pangulo matapos nitong hindi magpakita ng halos 2 linggo. Ang paulit-ulit na pag deny ng Malacanang tungkol sa health issue ng Pangulo at ang mga litratong ipinakita “as proof of life” ay hindi nakatulong at ito ay nagpalala pa sa sitwasyon.
Hindi natin masisisi ang mga tao kung pagdudahan nila ang kalusugan ng Pangulo dahil siya na mismo ang nagbigay ng dahilan upang mag isip at pagdudahan ang kanyang kalusugan. Hindi dapat napag usapan at napagdudahan ang kalusugan ng Pangulo kung ito ay nagpakita at hinarap lang ang mga suliranin ng bansa na naganap nitong mga nakalipas na linggo.
————————
Tumugon naman agad ang pamahalaan tungkol sa kakulangan ng hospital rooms at bed para sa mga may sakit na COVID-19. Ayon sa isang balita, higit sa 3,000 beds ang nadagdag sa iba’t-ibang health facilities sa NCR, Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan. Malaking tulong ito sa ngayon at sa mga darating pang panahon. Ang kakulangan ng hospital rooms at beds ay naging pangunahing suliranin ng ating mga hospital ng dumami ang bilang ng may sakit. Ito rin ang naging dahilan kung bakit may ilan tayong mga kababayan na namatay na lang sa labas o tent ng hospital.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.