Isang gabing curfew at ang kwentong lumugaw sa utak ng mga Pilipino
Kalat sa social media ang iba’t ibang post tungkol sa lugaw.
May nangungutya, may nagpapatawa, at meron din namang seryosong nagbibigay ng impormasyon para baguhin ang pananaw sa pagkaing itinuturing na pangmahirap o para lamang sa may sakit.
Pumaimbulog sa pambansang atensyon ang lugaw bunga na rin ng isang pagtatalong naganap sa San Jose Del Monte sa Bulacan. Ang punto ng diskusyon: esensyal ba o hindi ang lugaw?
Miyerkules ng gabi nang ang Grab rider na si Marvin Ignacio ay sitahin ng mga lokal na opisyal ng Barangay Muzon dahil curfew na.
“Bakit may Grab pa kase. Bawal na po ang tambay Sir e,” anang isang babaeng opisyal.
“May order po, Mam,” paliwanag ni Ignacio, na nagpasyang i-broadcast ng live sa Facebook ang pangyayari.
Nakatakda si Ignacio na pumik-up ng inorder na lugaw sa isang food store sa Barangay Muzon. Umaabot umano ng P300 ang halaga ng lugaw at bayad na ito ng customer.
“Bawal na nga ho e,” sagot muli ng babaeng opisyal na ayon sa ilang ulat ay namamahala sa Violence Against Women and Children desk sa barangay. “Curfew hours na, Sir.”
Tulad ng Metro Manila, nakapaloob ang lalawigan ng Bulacan sa Enhanced Community Quarantine o ECQ. Muling sinarhan ang mga establisyementong itinuturing na hindi esensyal habang nagpapatupad rin ng curfew hours mula 6:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
“Hindi ba alam ng Grab yan?” wika pa ng babae habang tuloy pa ring naka Facebook Live si Ignacio.
“Sige i-video mo para maintindihan mo,” anang opisyal sa Grab rider. Makikita rin sa video ang iba pang opisyales at mga pulis.
“Ang Grab po sumusunod din lang sa IATF e,” paliwanag ni Ignacio, isang 23-taong gulang na college student na kumukuha ng kursong BS Education Major in English.
“Hindi nga, may IATF nga kayo. Pero ECQ tayo Sir,” sagot naman ng babae.
Pagkatapos nito ay isa-isa niyang binasa ang mga regulasyon na ipinatutupad, hanggang dumako sa pahina ng private establishments at essential goods and services na pinahihintulutan na mag-operate sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ.
“Essential po ba si lugaw?” ang tanong ng opisyal.
“Hindi,” ang sagot niya sa sariling tanong. “Kase mabubuhay ang tao na walang lugaw.”
“Ang essential tubig, gatas, groceries,” pagpapatuloy ng opisyal.
Sabat naman ni Ignacio, “Pagkain po ‘yon, Mam.”
“Hindi nga. E di sana lahat ng pagkain bukas,” wika naman ng babae. “Eto si pulis paliliwanagan kayo ni pulis Sir. Ok? Naiintindihan po?”
Sumang-ayon na lamang si Ignacio dahil sa umano’y takot niya na ma-isyuhan pa ng tiket ng pulis dahil sa “paglabag” sa mga panuntunan ng quarantine.
Samantala, pinasarhan din ng lokal na mga opisyal ang lugawan.
Ang Facebook Live naman ni Ignacio ay nagsimulang lumikha ng ingay. Ilang netizens ang gumawa ng mas maikling version na siyang nag-viral.
At kaagad na naging pambansang isyu ang lugaw. Ang tanong: esensyal nga ba ito na pagkain o hindi?
Bago pa man maging ganap na krisis ang isyu ng lugaw, nagsalita na ang Palasyo ng Malakanyang.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Secretary Harry Roque, ang lugaw ay nasa kategorya ng esensyal na pangangailangan ngayong ECQ.
“Lugaw, or any food item for that matter, is considered an essential good,” ang pahayag ni Roque.
“Delivery of food items must remain unhampered 24/7. Huwag natin harangin sa checkpoints,” dagdag ni Roque.
Sa pahayag naman ng Grab Philippines, sinabi nito na, “If food is essential, and lugaw is food, therefore lugaw is essential.”
Ganundin, sinamantala nito ang pagkakataon para pasalamatan ang kanyang mga riders, na maituturing na mga frontliners ngayong panahon ng pandemya.
“Let’s give thanks to all our Grab riders na tuloy lang sa paghatid ng ating essential needs! Saludo po kami sa inyo, kuyas and ates!”
Si Ignacio, idinaan na lamang sa Facebook post ang kanyang himutok.
“Awit sa inyo Barangay Muzon! Di niyo alam sinasabi niyo. Ewan ko sa inyo di ako makasagot naka display panicket nung pulis sakin,” wika niya.
“Di daw essential si Lugaw Pilipinas pero yun yung pinapakain ni Leni Robredo sa feeding program niya. Asan yung logic? Please enlighten me,” dagdag ni Ignacio.
“Iba talaga pananaw ng Brgy. Muzon sakit niyo po sa ulo.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.