LDR, ghosting, e-numan, tinalakay sa 'Dito At Doon' nina JC at Janine; may pa-tribute pa sa frontliners | Bandera

LDR, ghosting, e-numan, tinalakay sa ‘Dito At Doon’ nina JC at Janine; may pa-tribute pa sa frontliners

Ervin Santiago - March 30, 2021 - 10:39 AM

GRABE ang linyahan at hugutan sa pandemic movie ng TBA Studios na “Dito At Doon” na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at JC Santos.

Napanood na namin ang pelikulang idinirek ni JP Habac at isinulat nina Alexandra Gonzales at Kristin Parreno Barrameda sa pamamagitan ng online/digital platform ng TBA Studios at in fairness, hindi naman kami binigo ng movie.

Tama ang sinabi nina JC, Janine at Direk JP sa nakaraang virtual presscon ng “Dito At Doon” na halos lahat ng aspeto ng pandemya ay natalakay sa pelikula.

Mula sa issue ng long distance relationship o LDR, ang usung-uso ngayong panggo-ghosting, sagutan o palitan ng maaanghang na salita sa social media hanggang sa nakasanayan nang e-numan o online tagayan at kung paano lalabanan ang anxiety o depresyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Tulad na lang ng karakter ni Janine bilang si Len na habang naka-lockdown ay maraming natutunan bilang single lady. Ipinakita rito ang ilang pandemic trends tulad ng Dalgona coffee, home gardening, online graduation ceremony at cooking lessons.

May ilang eksena rin sa pelikula na magpapaalala sa publiko na patuloy na sundin ang safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan tulad ng paggamit ng face masks at face shields, at ang walang kamatayang social distancing.

Kaya naman siguradong makaka-relate ang lahat ng manonood sa “Dito At Doon”, lalo na sa mga may mga pinagdaraanan sa kanilang lovelife at iba’t ibang issue ng pamilya.

Expected na namin ang husay sa aktingan nina Janine at JC pero may gulat factor pa rin ang chemistry at magic ng kanilang tambalan.  Tinginan pa lang ng dalawang bida ay mapi-feel ko na ang mga hugot nila.

Nakakakilig din yung eksenang kinantahan ni JC (bilang si Caloy) ang karakter ni Janine na si Len pati na ang cooking session nila. In fairness, talagang napaluto rin ako ng sinigang after watching the movie. Ha-hahaha!

Hindi “maingay” ang movie pero ramdam na ramdam mo ang hugot at pinanggagalingan ng bawat karakter at ang kanilang mga ipinaglalaban. Ibang-iba rin dito ang akting ni Janine na saktung-sakto sa hinihingi ng kanyang role.

Natural na natural ang mga ganap at eksena sa pelikula kaya ang feeling mo, parang kasama mo lang sila sa bahay habang nagchichikahan at nag-iinuman.

Tawa rin kami nang tawa sa mga nakakalokang eksena ng gumaganap na mga kaibigan nina JC at Janine sa kuwento, sina Yesh Burce at Victor Anastacio bilang ang magdyowang sina Jo at Mark.

Nagsilbi ring pa-tribute ng “Dito At Doon” sa mga bayaning health care workers ang karakter ni Lotlot de Leon bilang si Aileen, ang nanay ni Len na isang nurse na walang takot at walang pagod na nagbibigay serbisyo sa mga COVID patients.

Nagustuhan din namin ang ginamit na istilo ni Direk JP sa mga eksenang nagbi-video call ang mga bida. Sa pamamagitan kasi nito naipakita sa pelikula ang tunay na emosyon ng bawat karakter.

Isa pa sa nagdala sa movie ay ang theme song nito, ang makabagbag-damdaming “Nakikinig Ka Ba Sa Akin” ng Ben & Ben na talagang tatagos sa inyong mga puso.

Hindi na kami magkukuwento tungkol sa ending pero siguradong pagkatapos n’yo itong mapanood, magre-request agad kayo ng part 2.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang online release ng “Dito at Doon” ay magsisimula na sa March 31 via KTX.ph, iWant TFC, Cinema 76 @ Home at Ticket2Me.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending