Angeline wish magkaroon ng best actress award; 'The Final Pitch' season 6 aarangkada na | Bandera

Angeline wish magkaroon ng best actress award; ‘The Final Pitch’ season 6 aarangkada na

Ervin Santiago - March 29, 2021 - 02:06 PM

MAY isa pang pangarap sa buhay ang Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto na nais niyang matupad sa tamang panahon.

Ayon kay Angeline, bukod sa hiling niya na magkaroon pa ng maraming hit songs, kasama rin sa bucket list niya ang magkaroon ng best actress award.

Inamin ito ng dalaga sa latest vlog niya sa YouTube kung saan muli niyang ipinasilip sa madlang pipol ang ilang bahagi ng kanyang bahay.

Dito, binalikan nga ng tinaguriang Queen of Teleserye Theme Songs ang mga alaala ng kinilala niyang ina na si Sylvia “Mama Bob” Quinto at ibinahagi ang iba pa niyang mga wish sa personal na buhay at career.

“Gusto ko lang sabihin na bukod sa pagkanta, sa mga kantang nagagawa ko pa at ibinibigay sa akin na mga theme song, talagang dream ko na magkaroon ako ng isang award sa pagiging best actress,” pahayag ni Angeline sa isang bahagi ng kanyang vlog.

Aniya pa, “Alam n’yo medyo malayo pa ‘yan talaga. Mahirap pero sabi ko nga sa inyo kapag pinagtrabahuan niyo ay hindi imposible na pwedeng makamit niyo ‘yan kahit gaano kataas ang pangarap natin.”

Nag-start ang showbiz career ng dalaga nang manalo siya sa Kapamilya reality singing search na “Star Power” noong 2011.

Bukod sa pagiging biritera, pinasok din ni Angeline ang mundo ng pag-arte at nakagawa ng ilang pelikula at teleserye. Napapanood siya ngayon gabi-gabi sa seryeng “Huwag Kang Mangamba”.

Ang “Huwag Kang Mangamba” ay pinagbibidahan ng The Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz. Umeere ito sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV at iflix.

* * *

Makakasama sa 6th season ng business reality TV show na “The Final Pitch” ang Managing Director ng 917Ventures na si Vince Yamat para maghanap ng mga “bagong bayani” na makatutulong sa pagsulong ng ekonomiya at mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.

Sa episode na “Heroes Edition,” kabilang si Yamat sa grupo ng mga judges at negosyante na susuri ng mga panukala sa negosyo na ipakikita ng mga kalahok para matugunan ang pang-ekonomiya at panlipunang epekto ng pandaigdigang krisis sa kalusugan.

Ang mapipili ay makakasali sa Velocity ng 917Ventures, isang tatlong buwan na bootcamp na naglalayong ilabas ang mga talento at mga ideya ng mga kalahok at makalikha ng mga negosyo sa tulong ng 917Ventures at Globe.

Ang 917Ventures ang pinakamalaking corporate incubator sa Pilipinas na sinusuportahan ng Globe. Bumubuo at sumusubok ito ng mga bagong ideya sa negosyo na may potensyal na lumaki at lumago. Kabilang sa mga kumpanya sa ilalim nito ang GCash, KonsultaMD, AdSpark, HealthNow, PureGo at RUSH.

“Nag-aalok kami ng pagkakataon sa mga taong may magagandang ideya sa negosyo na sumali sa aming programa para magkaroon ng katuparan ang kanilang mga ideya.

“Bukod sa matutulungan sila ng 917Ventures, magagamit din nila ang Unfair Advantage na dulot ng Globe na binubuo ng higit sa 80 milyon na customers, isang milyong distribution points, at 150,000 mga business partners sa buong bansa,” sabi ni Yamat.

Dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, ang Velocity ay gaganapin online at tinatayang magsimula sa Mayo ngayong taon. Ang 917Ventures ay handang magbigay ng puhunan, suporta sa operasyon, at tulong para sa pag-develop ng produkto.

“Naghahanap kami ng tinatawag naming venture builder, isang taong matiyaga at masigasig sa paglutas ng problema. Bagama’t nakatuon ang aming pansin sa FinTech, E-Commerce, HealthTech, at AdTech, tinatanggap din namin ang magagandang ideya sa iba pang mga larangan,” dagdag ni Yamat.

Sina FWD Insurance President at CEO Li Hao Zhuang, UBX President at CEO John Januszczak, Thames International Business School President Joel Santos at “The Final Pitch” host na si John Aguilar ang mga kasama ni Yamat sa panel ng mga mamumuhunan at hukom.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para malaman ang higit pang impormasyon tungkol sa 917Ventures at Velocity, bisitahin ang https://velocity.917ventures.com/.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending