Maxine Medina pinatatag ng pageants para sa showbiz
PARA kay 2016 Miss Universe Philippines Maxine Medina, mas naging handa siya sa buhay-artista dahil sa mga pinagdaanan niya bilang isang beauty queen.
“Alam ko na kung paano i-handle ang lahat ng tao around me, para hindi masaktan ang sarili ko. May shield pa rin,” pinaliwanag ni Medina sa ginanap na virtual conference para sa GMA primetime series na “First Yaya,” na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion at Sanya Lopez.
“Nakatulong din itong respect na na-earn ko na,” pagpapatuloy ng beauty queen-turned-actress.
Sa “First Yaya” unang sasabak sa pagiging kontrabida si Medina, at kakampi niya rito si Pilar Pilapil na kumatawan din noon sa Pilipinas sa Miss Universe pageant.
“I’m a rookie kontrabida. Pero mayroon din kaming sagutan ni Tita Pilar,” sabi ni Medina.
“Takot na takot ako sa kanya (Pilar Pilapil). Sinasabi niya ‘relax ka lang.’ Gina-guide niya ako,” pagpapatuloy pa niya.
Sa “First Yaya” rin unang naranasan ni Maxine na mapabilang sa isang production “bubble” dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa bubble, nagtratrabaho sila nang tatlong magkakasunod na araw. Magpapahinga sila nang isang araw bago bumalik sa muling pagtratrabaho nang tatlong araw.
Sa mga araw na walang trabaho, dinadala silang lahat sa isang quarantine hotel, upang mailayo sa bantang mahawahan ng mga taong walang kinalaman sa produksyon.
“Sa Hollywood gano’n din, naka-lock in. Ang bonding ng cast iba rin, makikilala mo talaga isa-isa,” lahad ni Medina.
Hinahangaan din niya ang mga katrabaho sa bago niyang network. “Maganda silang katrabaho, mababait. Very creative sila. Every scene binabasa namin, grabe, pinag-iisipan! I’m proud of my directors, sa buong production and co-artists,” aniya.
Mapapanood ang “First Yaya” gabi-gabi sa GMA Telebabad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.