Andrea handa na nga bang sumabak sa pagpapaseksi ngayong 18 na?
NGAYONG 18 na siya, handa na nga bang sumabak sa mas mature at daring projects ang Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes?
Last March 12, certified dalaga na si Andrea at bagamat wala siyang engrandeng party, nangabog pa rin siya sa kanyang grand debut-themed photo shoots na talaga namang pasabog kung pasabog.
“Viewer talaga ako ng ABS-CBN, pinanood ko lahat ng debut, yung debut ni ate Kath (Kathryn Bernardo), ni ate Julia (Barretto), lahat sila talagang pinapalabas sa TV ang mga debut nila.
“And since wala tayong ganu’n and wala talaga akong balak magka-debut, nag-isip lang ako ng pasabog para maalala ng mga tao na mag-e-18 na ako.
“Kasi hindi ko alam sa Philippines bakit napakahalaga ang pagiging 18 sa isang babae para sa atin dito sa showbiz world natin,” simulang kuwento ni Andrea sa nakaraang virtual mediacon ng Dreamscape Entertainment para sa bago nilang teleserye, ang “Huwag Kang Mangamba.”
Aniya pa, “Sabi ko bawi na lang ako sa photo shoots. Pero yung iba kong photo shoot like for Metro and Mega, actually hindi ko yun pinlano kaya sobra akong nagpapasalamat sa management kasi sobra kong naramdaman yung support nila sa pag-de-debut ko.
“As in nag-reach out sila sa akin kung ano ba yung gusto ko. Sa totoo lang, hindi talaga ako ma-debut na tao, hindi ako ma-party na tao, pero binigyan nila ako ng covers.
“Sobra akong nagpapasalamat sa kanila. Pina-feel nila sa akin yung pagiging isang ganap na debutante,” chika pa ng young actress.
Sinagot din niya ang tanong kung ang mga naglabasang pictorial niya for her 18th birthday ay senyales na sa pagsabak niya sa “next-level” bilang aktres?
“Hindi pa po ako siguro ready for more mature roles. Yung nakita niyo na photo shoot, since wala akong debut, wala akong celebration, nag-isip lang ako.
“Para sa akin hindi naman siya sexy pero may story naman kung bakit ako nag-red lipstick. Kasi si mama lagi akong nagtatanong dati, ‘Kailan ako puwede mag-red lipstick Ma?’ tapos ang ibinigay niya sa aking age ay 18 so ito ang age na puwede na ako mag-red lipstick.
“Of course, sa ibang trabaho ko kailangan pero bilang me as Blythe puwede na. Pero hindi pa ako puwede sa matured and sexy roles. Siguro level up.
“Kasi kilala ako ng mga tao bilang sweet girl, ganyan. Mas matapang na siguro ako, mas woman na, ganu’n. Pero sa totoo lang hindi ko pa kayang matulog mag-isa, eh. Ha-hahaha! Nakakaloka,” sey pa ng dalaga.
Patuloy pa niya, “Ang mga natutunan ko (ngayong 18 na) ay maging matatag lang. Kasi sa totoo lang hindi naman nawawala ang mga problema. Pero mas magiging matatag ka kaya mas kinakaya mo ang binabagsak sa ‘yo ng buhay.
“Natutunan ko din na huwag ma-stress, go with the flow lang. Pero huwag ka mawawala sa direction na gusto mo at makinig ka lang sa mama mo, sa mga taong mahalaga sayo, at huwag ka lang mag-give up and enjoy life.
“Ngayon marami pa rin akong natutututunan along the way and excited rin ako sa mga matutunan ko ngayon bilang 18 na ako,” lahad pa ng isa sa member ng The Gold Squad kasama sina Seth Fedelin Kyle Echarri at Francine Diaz na muli ngang bibida sa “Huwag Kang Mangamba” sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.