JD Domagoso ayaw tumira sa Malacañang: Sana po hindi, magiging mahirap ang buhay, e!
DIRETSAHANG sinabi ng Kapamilya young actor na si Joaquin “JD” Domagoso na hangga’t maaari ay ayaw niyang maging Pangulo ng bansa ang amang si Manila Mayor Isko Moreno.
Natanong ang binata sa nakaraang mediacon ng bagong Kapuso series na “First Yaya” kung nai-imagine ba niya ang sarili na nakatira sa Malacañang kapag naging Presidente na si Mayor Isko.
Isa kasi ang pangalan ng actor-politician na sinasabing tatakbo sa pagka-Pangulo ng Pilipinas sa Eleksyon 2022.
Sa past interviews kay Isko ang palagi niyang sinasabi ay nais muna niyang ipagpatuloy ang pagsisilbi sa Maynila pero wala pa siyang diretsahang pagtanggi sa pagtakbo sa Presidential Elections.
At nang tanungin nga si JD kung gusto ba niyang tumira sa Palasyo ng Malakanyang, “Sana po hindi, sana po hindi! Sa akin, ayoko talaga, ayoko talaga.”
Ang paliwanag ng binata ay, “Wala, parang… baka umiba na iyong tingin ng tao sa akin or magiging mahirap ang buhay, e.
“May bodyguard ka na lagi. E, di paano iyon, paano ka makaka-enjoy ng buhay? Saka delikado,” pahayag pa ng ka-loveteam ni Cassy Legaspi sa “First Yaya.”
Sundot na tanong kay JD kung alam ba ni Yorme ang sentimyento niya, “Hindi, opinyon ng dad ko, ayaw niya namang magtakbo bilang Presidente, e. Hanggang mayor lang po siya.”
Samantala, hindi naman maiiwasan na ikumpara ang bagets sa tatay niya. Marami ang nagsasabi na pareho silang kumilos, gumalaw at magsalita.
Reaksyon ni JD, “Basta ako, mas pogi ako. Ha-hahaha! Joke lang!
“Okay lang naman sa akin na ma-compare ako sa tatay ko kasi given naman iyon na mako-compare kami, pero that’s not my focus naman, e.
“That’s what he wanted to do when he was a kid, and ako naman, gusto ko ring maging artista.
“So hindi ko naman kino-compare iyong mga, parang, achievements niya sa akin kasi we all have different phases, ganu’n, and different experiences po,” paliwanag ni JD.
Ngayong gabi na magsisimula ang “First Yaya” sa GMA Telebabad at papalit sa “Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday” at pagbibidahan din nina Sanya Lopez, Gabby Concepcion, Pilar Pilapil, Gardo Versoza, Sandy Andolong, Pancho Magno, Kakai Bautista at marami pang iba, sa direksiyon nina LA Madridejos at Rechie del Carmen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.