Ethel inalok ni Bea na maging surrogate mother ng magiging anak: Magkano ba? Ibubudol natin yan!
“HINDI lang kaibigan ang pinipili ko, namimili ako ng mga taong I surround with, ayoko ng mga taong toxic.”
Yan ang bahagi ng sagot ni Bea Alonzo sa tanong ni Ethel Booba kung choosy ba siya sa pakikipagkaibigan na in-upload sa kanyang YouTube channel.
“Ayoko nu’ng masyadong mapuri sa akin kasi alam kong too good to be true. Ayoko ng sorry for the word, yung kiss-ass.
“Mas gusto ko ‘yung totoo at ayaw ko rin sa mga taong may sinasabing masama sa iba kasi alam ko na kapag tumalikod ako, ako na ‘yung gaganunin niya,” patuloy na pahayag ng aktres.
Si Bea ang guest ni Ethel sa kanyang YouTube channel na “One on One with Bea Alonzo (time is the ultimate truth teller).”
Sabi pa ng aktres, “Nu’ng bata ka gusto mo lahat kaibigan mo, lahat ka-close mo. As you get older, alam mo nang paliitin ang circle mo kasi alam mo na investment ‘yung oras at pagmamahal sa kaibigan at pag na-break na ‘yung pagkakaibigan n’yo, masakit. Sa industry pa naman natin ang hirap maghanap ng totoong kaibigan.”
Humanga si Ethel sa kuwento ni Bea na lumaki siya sa hirap at alam niya kung ano ang pakiramdam ng maging mahirap dahil dumating pa sa punto na namumroblema ang mama niya kung saan kukuha ng pambayad ng tuition nilang magkapatid.
“Alam ko ‘yung buhay ng mahirap at buhay ng umasenso na,” sambit ng aktres.
Nagbalik-tanaw pa ang dalaga na noong bago palang siya sa showbiz ay extra lang siya at nasubukan niyang sumabay sa service kasama ang mga gaffer at mga ilaw na gamit sa shoot.
“Kaya thankfully sa mga nanood ng pelikula ko at least ngayon, stable na ‘yung family ko,” pahayag ng dalaga.
Mahilig din daw kumain si Bea, “Sana nga hindi na lang kasi tabain ako kaya lahat kinakain ko, maliban sa paksiw. Bawal lutuin sa bahay ang paksiw kasi nasusuka ako kapag naamoy ko, ayaw ko kasi ng luya.”
Dagdag pa niya, “Dapat pala ayaw ko rin ng garlic para layuan ako ng mga multo.”
Hmmmm, may kinalaman pa rin kaya ito sa panggo-ghosting umano sa kanya ni Gerald Anderson?
Anyway, natanong ni Bea si Ethel kung payag siyang maging surrogate mother ng magiging anak niya, “Ano yun? Ako ang magbubuntis?” balik-tanong ng komedyana.
“Oo, ikaw ang magdadala ng eggcells ko,” nakangiting sabi ni Bea.
Napaisip mabuti si Ethel, “Puwede naman, magkano ba?”
Natawa naman nang husto ang dalawa at sabay sabi ni Bea, “O, guys alam n’yo na kapag hindi pa ako mabuntis o mag-asawa sa lalong madaling panahon, papa-surrogate na ako.”
Sabay bawi ng aktres, “Pero hindi pa legal dito sa Philippines ‘yun, sa ibang bansa lang.”
“Puwede naman ‘yun, marami akong kilala diyan,” sabi naman ni Ethel.
Tanong ulit ng aktres, “Paano ‘yung birth certificate di ba sa ‘yo, ipapangalan ‘yung bata?”
“Ibubudol natin ‘yan, akong bahala diyan,” birong sabi ni Ethel na ikinahagalpak din ni Bea.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.