Kahit saang anggulo tingnan, Napoles VIP kay PNoy
TANGING Malacañang lamang at ang mga kaalyado nito ang naniniwalang hindi scripted ang nangyaring pagsuko ng utak sa P10 bilyong pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Maraming nagtaas ng kilay sa naging pahayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda matapos niyang idetalye ang timeline ng pagsuko ni Napoles.
Kung pagbabasehan ang opinyon ng publiko, mula sa mga netizens at mga ordinaryong mamamayan, naniniwala ang marami na scripted ang pagsuko ni Napoles. Marami sa kanila ang naniniwala na bago pa man ang sinasabing pagsuko ni Napoles noong Miyerkules ay hawak na ito ng gobyerno.
Paniwala pa rin ng marami na may nabuo na ring kasunduan sa pagitan ng Malacañang at ni Napoles, kahit pa todo deny si Lacierda na may hininging kondisyon ang kampo ng pork barrel queen.
Ang nakakaalma pa sa sinasabing script ng Malacañang ay ang pagsuko ni Napoles kay Pangulong Aquino na ginawa pa sa loob ng Malacañang. Lalo pang nakakainis ay nang mismong si PNoy pa ang nagsilbing escort ni
Napoles mula Malacañang papuntang Camp Crame. Sinong hindi magsasabi na hindi ito special treatment?
Kahit saang anggulo mo pa ‘yan tingnan, ganon ka-VIP (Very Important Person) si Napoles kay Aquino.
Sa obserbasyon ng mga nag-aanalisa hinggil sa ginawa ni Aquino, pinanghahawakan niya ang kanyang mataas na rating na kahit bumaba ito dahil sa kanyang ginawa ay hindi pa ring ganon kababa.
Habang sinusulat ang kolum na ito, nakatakda nang ilipat si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna mula sa Makati City Jail, kung saan nakahiwalay pa ang kuwarto niya sa mga ordinaryong detainee. At naka-aircon pa!
Sa kasunduan sa pagitan ng Malacañang at ni Napoles, sino ba ang totoong nagagamit at nanggagamit?
Nais ng Malacañang na habulin ang mga mambabatas na sangkot sa pork barrel scam ngunit kung pagbabasehan ang mga pangyayari, kapag ginawa ng gobyerno na state witness si Napoles, mapapawalang-sala siya sa lahat ng krimeng kanyang ginawa sa kabila ng paglustay ng bilyong-bilyong pondo ng gobyerno.
Hindi rin maiiwasang akusahan ang gobyerno na ang target lamang nito ay ang mga mambabatas na nasa oposisyon. Kung talagang seryoso ang gobyerno na mapanagot ang mga nakinabang sa pork barrel scam, dapat ay hindi maging makapili ang gagawing paghabol at panagutin maging ang mga kaalyadong nakinabang sa pondo ng gobyerno.
Noong Biyernes, full force pa ang mga miyembro ng Communications Group sa pamumuno nina Lacierda, Communications Secretary Ricky Carandang matapos samahan si Interior Secretary Roxas na pumunta sa Makati City Jail para dalawin si Napoles. Todo depensa pa si Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa kanilang ginawa sa pagsasabing dati na siyang gumagawa ng trabaho para sa ibang opisyal ng gobyerno at hiningi ni
Roxas ang kanyang tulong dahil pamilyar siya sa Makati City Jail. Kahit ano pa ang magiging palusot ng mga opisyal ng gobyerno, obvious na may special treatment para kay Napoles na ginagawa nila dahil mapapakinabangan nila ang sinasabing utak ng P10 bilyong pork barrel scam.
DA who naman itong dalawang opisyal ng gobyerno na nakikipag-away sa Twitter. Noong Agosto 26, ginanap ang million people march sa Luneta. Habang isinasagawa ang protesta kotra pork barrel, sinabayan ito ng press conference ng Malacañang. Sa kanyang briefing, todo ang pahayag ng opisyal na kaisa ang gobyerno sa ipinaglalaban ng mga dumalo sa protesta kontra katiwalian at malumanay pa ng kanilang mga pagsagot.
Ngunit sa kanilang Twitter account, nakikipag-away ang dalawang opisyal sa kanilang mga followers kaugnay ng isyu. Umalma kasi ang mga follower nila matapos umanong tawaging hipokrito ng mga opisyal ang mga dumalo sa anti-pork rally. Sigurado akong kilala n’yo na ang mga tinutukoy ko.
Editor: May komento o tanong ba kayo sa artikulong ito? I-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.