Paalala ni Angel sa mga may ipinaglalaban: Kailangan totoo ang sinasabi mo at panindigan mo
“KAPAG hindi ka soft, ‘pag hindi ka caring, ‘pag hindi ka mahinhin, ‘pag hindi ka masunurin sa asawa mo, hindi ka na likeable.”
Yan ang gustong mabura o maalis ng Kapamilya actress-TV host na si Angel Locsin sa kulturang kinagisnan ng mga Filipino patungkol sa pagtingin ng iba sa mga kababaihan.
“Nakakalungkot na sa panahon ngayong year 2021 na ay pinag-uusapan pa rin natin itong ganitong klaseng topic,” ang sabi pa ni Angel nang makachikahan ni Bianca Gonzalez sa latest vlog nito sa YouTube hinggil sa issue ng “traditional gender stereotypes”.
“Hindi masamang attribute ‘yun. Kung mapapansin mo, sa lahat ng mga leader sa bansa natin, ‘yung pagiging opinionated, yung strong personality, ito ‘yung mga personalities or traits, behaviors na nakikita natin sa mga kalalakihan na gusto natin maging leader. Pero pagdating sa kababaihan ay hindi natin gusto.
“Hindi ‘to issue kung ano ‘yung kayang gawin ng mga kababaihan, kung hindi ‘yung kultura na natin. Merong stigma. Ito ‘yung mga namana na natin unconsciously sa mga ninuno pa natin, sa society, sa kultura natin, kung paano ba talaga ang behavior ng isang babae.
“Tapos kapag hindi ka nag-conform doon, kapag hindi ka sweet, ‘pag hindi ka soft, ‘pag hindi ka caring, ‘pag hindi ka tahimik, ‘pag hindi ka mahinhin, ‘pag hindi ka masunurin sa asawa mo, ‘pag hindi ka, ‘yes, sir, yes, sir’ lang, hindi ka na ‘likeable.’
“Nandoon pa rin tayo sa stage na ‘yun and nakakalungkot na, for me, kulang pa ang effort nating lahat para ma-prevent ‘yun, especially sa workplace natin, para maging comfortable and safe place sa lahat ng mga kababaihan,” dire-diretso pang pahayag ng fiancée ni Neil Arce.
Pinuri naman ni Bianca si Angel sa tapang at determinasyon nito na ibandera sa buong mundo ang kakayahan ng mga kababaihan sa iba’t ibang larangan, kabilang na ang pagiging vocal nito sa kanyang opinyon at paniniwala.
“Actually hindi siya conscious. I have to be honest. Ako kasi naghahanap din ako ng mga female role models na unfortunately, hindi sila ganu’n karami kumpara sa ang daming mga kalalakihan na mababasa mo sa history talaga.
“I think kailangan natin i-call out ‘pag may mga nakikita tayo na mga ganu’ng comments especially on social media na parang, ‘Ay, hindi siya masyadong caring,’ or ‘parang masyado naman siyang opinionated.’ Parang, ‘Ano ba ‘yan, hindi naman mahinhin. Magaslaw naman ‘yan.’ o ‘Talakera naman ‘to,’ ganyan.’
“Para matigil na ‘yung stigma kasi minsan, unconscious tayo, masyado tayong biased sa mga gender roles. Baka kailangan itigil natin ‘yung mga ganon.
“Kailangan natin ng maraming role models. So kung hindi mapo-promote ‘yung maraming kababaihan na deserving naman, wala tayong masyadong magiging peg sa life natin kumbaga,” lahad pa ni Angel.
Nagbigay din ng payo ang tinaguriang real life Darna sa mga kabataang nais ding ipagsigawan ang kanilang opinyon at paniniwala sa mga nangyayari sa paligid.
“First kailangan totoo ang sasabihin mo. Hindi puwede ‘yung magsasalita ka ng mga bagay na ikaw mismo hindi naniniwala o hindi mo ginagawa. Hindi ka magkakamali kung nasa katotohanan ka.
“So maging totoo ka sa sarili mo, totoo ‘yung sinasabi mong facts ‘di ba. ‘Yun ‘yung pinakaimportante talaga.
“Pangalawa, kailangan mong panindigan. Maraming challenges sa ‘yo, maraming tutuligsa sa ‘yo, maraming mamba-bash sa ‘yo, pero kung maniniwala ka naman sa sinasabi mo, hindi ka maaapektuhan, eh.
“Mahirap kang maapektuhan dahil mas secure ka, sure ka sa sinabi mo. Hindi naman kailangang matalinong-matalino ‘yung sasabihin mo. Hindi naman parang, ‘Wow, sobrang smart niya.’ Hindi naman kailangan ganu’n lagi ‘yung caption. Magsimula tayo sa totoo, always,” dagdag pang advice ng award-winning actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.