Angeline ibinandera ang pagpaparetoke ni Vice: Kalahati ng mukha! O, ano, aminan?!
“NAGBASAGAN” ang magkaibigang Vice Ganda at Angeline Quinto sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” sa ABS-CBN.
Grabe ang asaran ng dalawang Kapamilya stars sa harap ng madlang pipol nang mapag-usapan ang tungkol sa pagpaparetoke.
Nagsimula ito nang sabihin ng isa pang host ng noontime show na si Kim Chiu sa “Tawag ng Tanghalan” segment na ang contestant na si Ara Bautista ay kasabayan ni Angeline noong kanyang “contesera” days.
Ayon kay Ara, natatandaan nga daw niya si Angeline na nakakalaban niya sa mga singing contest noon. Hirit naman ni Vice, duda raw siya sa sinabi ni Ara dahil napakalaki na raw ng nagbago sa itsura ngayon ng biriterang singer.
Kaya naman agad na nag-react si Angeline, “Hoy, grabe ka! Kaysa naman ikaw! Kung titingnan ang hitsura mo dati. Ano ang mas malala sa atin?”
Inamin naman niyang nagpagawa siya ng kanyang mata.
Sabi naman ng TV host-comedian, “Ako, nagpagawa ako?” Na sinagot ni Angeline ng, “Kalahati ng mukha! O, ano, aminan? Magtanong tayo kay Dra. (Vicki) Belo ng record, sige!”
“Kalahati talaga, Angeline? Sorry…three-fourths!” ang natatawang chika pa ni Vice.
Kuwento pa ng komedyante, nabubuwisit daw siya kay Angeline dahil tuwing umaga raw ay nagme-message ito sa kanya na may kasama pang picture niya noon.
“Sinasabi ko sa kanya, bakit mo ako pinadadalhan nito, ‘Wala lang, gusto ko lang maalala mo kung ano ka dati.
Ganyan siya. Ako naman maghahanap din ako ng luma niyang picture, tapos nu’ng pinagtabi ko, magkamukha pala kami dati!” ang tawa nang tawang hirit ni Vice.
Aminado naman sina Angeline at Vice na sumailalim talaga sila sa ilang cosmetic procedures at hindi nila ito ikinahihiya.
Ayon kay Angge, ilan sa mga ipinagawa niya ay ang ilong, mata, cheeks at kilikili habang si Vice naman ay nagpagawa ng kanyang hips at ang treatment kung saan ginawang “hugis bigas” ang mukha niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.