Ang karma ni Janet Lim-Napoles | Bandera

Ang karma ni Janet Lim-Napoles

Ramon Tulfo - August 31, 2013 - 07:00 AM

MASISISI ba ang taumbayan sa kanilang hinala na may deal o usapan na nangyari sa Malakanyang sa pagitan ng Pangulong Noy at ni Janet Lim-Napoles na suspected mastermind sa P10 billion pork barrel scam?

Maraming nang haka-haka tungkol sa pagsuko ni Napoles sa Pangulo sa Malakanyang.

Naging mistulang police headquarters ang Malakanyang dahil sa pagsuko ni Napoles kay Pangulong Noy.

Para pang naging personal na bisita ng Pangulo si Napoles dahil ineskortan pa niya ang babae sa Camp Crame upang i-turn over kay Interior Secretary Mar Roxas at Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima.

Masyado yatang binigyan ni P-Noy ng importansiya si Napoles.

Ano nga ba ang napag-usapan upang si Napoles ay sumurender kay P-Noy sa Malakanyang?

Ang isang hakap-haka ay isasara ni Napoles ang kanyang bibig habang siya’y nakakulong at nililitis upang huwag nang madamay pa ang ibang senador at kongresista na hindi pa napapangalanan.

Baka raw kasi magturo ng magturo si Napoles sa mga iba pang opisyal sa ehekutibo na hindi pa lumalabas ang pangalan sa mga balita sa pahayagan at telebisyon.

Unang-una ay nadamay na ang pangalan ni Executive Secretary Jojo Ochoa nang isa sa kanyang mga sidekick na si Brian Yamsuan.

Si Yamsuan diumano ay naging tulay ni Napoles sa mga senador at kongresista.

Ang law office ni Ochoa ay naging kliyente si Napoles sa kanyang kasong pangungurakot sa kaban ng bayan pero ito’y bumitaw na sa kanya.

Ang paghihinala kay Ochoa na damay sa kaso ni Napoles ay nag-umpisa nang ang reporter ng INQUIRER na si Nancy Carvajal ay nakipagkita for the first time kay Napoles.

Ang bungad na salita agad ni Napoles kahit di pa siya nai-interview ni Carvajal ay, “Oh, hindi kasali dito si Ochoa, ha?”

Bakit sinabi yun ni Napoles gayong wala pa naman sa isip ni Carvajal na merong kinalaman si Ochoa?

Sa interview kamakailan, sinabi ng showbiz reporter at columnist na si Lolit Solis na humingi ng pera si Ochoa kay Napoles noong eleksiyon ng 2010.

Kasama raw ni Lolit Solis si Napoles nang tumawag si Ochoa sa huli at humingi ng P10 million upang pantustos sa kampanya ni P-Noy.

Obviously, magkaibigan dati itong sina Solis at Napoles.

Walang naniniwala kay Solis dahil siya’y mahilig sa tsismis at intriga.

Pero mukhang may bahid ng katotohanan ang sinabi ni Lolit Solis dahil sa mga nangyaring pagsurender ni Napoles kay P-Noy sa Malakanyang.

Kung walang katotohanan ang mga haka-haka na nagkaroon ng deal o usapan sina Napoles at Pangulong Noy, bakit di na lang pinatawag ni P-Noy si General Purisima o si Director Caesar Nonnatus Rojas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Malakanyang at binigay si Napoles sa kanilang pangangalaga?

Bakit ineskortan pa ni P-Noy si Napoles papuntang Camp Crame upang isurender kina Roxas at Purisima?

Biro n’yo, ang naging escort pa ni Napoles ay ang Pangulo ng bansa!

Sinabi ng Pangulo na gusto lang niyang makatiyak na ligtas si Napoles sa mga kamay ng alagad ng batas na hahawak sa kanya habang siya ay naka-detain.

Wala bang tiwala si Presidente sa kapulisan at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na hahawak kay Napoles habang siya’y nililitis?

Ang BJMP kasi ay sakop ang Makati City Jail kung saan naka-detain ngayon si Napoles.

Tingnan mo nga naman ang karma.

Si Napoles ay nakakulong sa selda kung saan nakakulong din ang kanyang dating katulong na si Cadelina Domingo!

Pinakulong ni Napoles si Domingo na pinagbintangan niyang nagnakaw ng kanyang salapi at alahas.

Ang sabi ni Domingo, gawa-gawa lang daw ni Napoles ang kasong binibintang sa kanya.

Gusto na raw niyang umalis sa bahay ni Napoles at nagpaalam na siya.

Pinayagan daw naman siya ni Napoles ngunit paglabas niya sa gate ni Napoles ay hinuli siya ng mga pulis.

Ang kasong isinampa kay Domingo ni Napoles ay qualified theft, isang malaking kaso ng pagnanakaw.

Sabi ni Domingo, ayaw na niyang magtrabaho sa bahay ni Napoles dahil nahihirapan daw siya sa dami ng mga iniuutos sa kanya at sa tagal ng pagtatrabaho.

Ngayon, pantay na ang mag-amo na sina Napoles at Domingo dahil sila’y parehong nakakulong sa isang selda.

Magbabakasyon muna ng dalawang linggo ang inyong lingkod.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Wala siyang column ng dalawang linggo mula Sept. 3.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending