#Anyare: Female singer ilang taon na sa showbiz pero hindi umaalagwa ang career
DAHIL sa kawalan ng mga show o gig ay nagsabing papasukin na rin ng isang female singer ang mundo ng pag-arte.
Tutal, matagal na rin naman daw siyang inuudyukan ng mga kaanak na umakting na rin, pero ang pagkanta pa rin ang nagiging prayoridad niya.
Okay din naman ang boses ng female singer huwag lang siyang isasabay sa mga “halimaw” kumanta o tinatawag na biritera.
Kailangang umiwas din siya sa mga “easy listening” singers na umaani ng milyones ng views sa YouTube ngayon dahil siguradong matatabunan siya o magmumukha lang siya kawawa.
May ilang taon na rin naman ang female singer na ito pero hindi talaga umaangat ang kanyang singing career na hindi rin namin alam ang dahilan. Pati nga mismong management company niya ay hirap din siyang ibenta.
Sa katunayan, mas pinipili pa nga ‘yung mga baguhang singer na produkto ng reality show kaysa sa kanya.
“Sosyalin kasi, hindi palangiti, walang PR. E, kapag singer ka lalo’t hindi ka naman ganu’n pa ka-made (kilala), e, ngumiti ka naman, hindi ‘yung pasuplata effect.
“Hindi na uso ‘yun ngayon kasi ang mga millennial kapag hindi ka namansin mas dedma sila sa ‘yo, e, belong pa naman siya sa mga millennial.
“E, yung mga nabibilang sa Generation X, siyempre mas type nila yung mga kapanahunan nilang singers,” tsika ng isa sa nagpu-push sa singer na ito para magka-project.
At kahit na nagsabing papasukin na niya ang pag-arte ay wala pa rin naman siyang offer dahil bukod sa pandemya ngayon ay mas pinipili ng mga producer at direktor ang mga artistang sikat at may napatunayan na sa kanilang career.
Kaya habang naghihintay ng break ang singer na ito ay sinubukan muna niyang mag-vlog na ipinayo rin ng manager niya, para nga naman may pinagkakabalahan siya.
Sinunod naman ito ng singer na in fairness, ay marami naman siyang nakukuhang views na umaabot na sa mahigit 100,000.
Pinanood namin ang ilan sa mga video niya pero talagang inantok kami dahil ang topic ay tungkol sa sarili niya na wala namang isyu. O, baka hindi lang talaga kami interesado sa kanya?
Anyway, ito ang pinagkakakitaan niya sa ngayon, ang pagba-vlog sa YouTube at balita namin ay sobrang tipid nito kaya nakakaipon siya kahit paano.
“May share siya sa bills sa bahay nila, hindi ko lang alam kung kuryente, tubig o yung internet. Kasi ‘yung groceries sagot na ng ibang kapatid niya,” ang tsika pa sa amin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.