Doris Bigornia inatake sa puso, kailangang sumailalim sa open heart surgery
Ibinalita ito ng kapwa niya Kapamilya host at reporter na si Alwin Elchico sa kanilang Teleradyo program kagabi.
“Bago po tayo mag-umpisa, dahil marami po kasi ang nagtatanong, so nagpaalam po ako sa pamilya ni Mutya ng Masa, Doris Bigornia, na sabihin po sa inyo.
“Pinapasabi lang po, ang Mutya ng Masa, siya po’y inatake sa puso noong Linggo, papuntang Lunes,” simulang pahayag ng TV host at news anchor.
“Siya po’y sinugod sa ospital at ngayon po’y nasa ICU. Kakailanganin po ng open-heart surgery. So ang pamilya po (ni Doris) ay humihingi po ng panalangin.
“Ipagdasal po natin na mapagtagumpayan po ni Doris ang susuungin po niyang pagsubok kasi hanggang ngayon (nasa ICU siya),” dagdag pa ni Alwin.
“Nakakausap ko siya, conscious po si Doris, pero kakailanganin po niya ‘yong open heart surgery pagkatapos po ng atake sa puso,” ang paliwanag pa ng kaibigan ni Doris.
Nag-tweet din ang Kapamilya host-reporter na si MJ Felipe tungkol sa health condition ni Doris, “Please join us in praying for our very good friend @DorisBigornia as she goes thru heart surgery after suffering a heart attack. Doray, kaya mo yan. Maraming nagmamahal sa yo. Fighting Doray!!!! We love you @nikkibigornia be strong.”
Nagbigay din ng mensahe ang anak ng “TV Patrol” news reporter na si Nikki Bigornia sa pamamagitan ng Twitter. Aniya, “Stay strong, ma. Maraming nagmamahal sa ‘yo.”
Last Feb. 17 ay nag-celebrate si Doris ng kanyang 55th birthday.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.