Janine sa pagiging aktres: Siguradung-sigurado ako na ito talaga ang gusto kong gawin
MAGKAHALONG excitement at matinding pressure pa rin ang nararamdaman ng bagong Kapamilya star na si Janine Gutierrez bilang isang aktres.
Aminado ang award-winning actress na ang pagiging “showbiz royalty” ay may mga advantage at disadvantage kaya talagang ginagawa niya ang lahat para hindi mapahiya o manega ang mga kapamilya niya sa local entertainment industry.
Bukod sa mga magulang niyang sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher Gutierrez, nandiyan din ang paternal grandparents niyang sina Pilita Corrales at Eddie Gutierrez. Idagdag pa ang maternal grandparents niyang sina Nora Aunor at Christopher de Leon.
“Siyempre kasi ang dami nila. It has its good side and ‘yung medyo nakaka-pressure side,” simulang pagbabahagi ng lead star ng bagong hugot movie na “Dito at Doon” nang mag-guest siya sa “I Feel You.”
“Nakakatulong kasi ang dami ko na agad kakilala sa industriya dahil mga nakatrabaho na ng parents ko, ng family ko.
“And then nakaka-pressure din kasi bitbit mo ‘yung pangalan nila so ayaw mong mapahiya sila, na hindi ka kasing galing nila or things like that,” chika pa ni Janine.
Sa tanong kung kailan siya nagdesisyon na pasukin na rin ang showbiz, “Una ko po siya naisip when I was in college pero just to try it out kasi nandiyan ‘yung pagkakataon.
“Pero ‘yung talagang naramdaman ko ‘yung passion siguro was nu’ng wala akong trabaho. There was one time na parang one year akong walang teleserye or pelikula.
“Doon ko naramdaman na hinahanap-hanap siya ng puso ko. Doon ko na-realize na gusto ko talagang matuto, mapag-aralan at makaganap ng maayos sa TV at pelikula.
“Doon ko naramdaman ‘yung gutom, na ito talaga ‘yung gusto kong gawin so kailangan matuto ako kung paano ko siya magagawa ng maayos,” pahayag pa ni Janine.
Patuloy pa niyang kuwento, “I think in recent years, talagang siguradung-sigurado ako na ito talaga ang gusto kong gawin. More so, nu’ng recently po sa huling pelikula ko po kasi, nanalo siya ng mga awards, yung ‘Babae at Baril.’ First time ko rin magkaroon ng award for acting.
“Para ma-recognize ka ng critics, directors, ang laking bagay. Para siyang confirmation na tama ‘yung tinatahak mong landas. Siguro ‘yun talaga ‘yung final na ‘Okay ito talaga,’” chika pa ng premyadong young actress.
Samantala, excited na si Janine sa nalalapit na pagpapalabas sa bago niyang pelikula, ang hugot movie with a twist na “Dito at Doon” kung saan makakasama niya ang equally-talented na si JC Santos.
Showing na ito sa Marso 17 sa ilang piling sinehan mula sa TBA Studios at WASDG Productions at idinirek ni JP Habac. Makakasama rin dito sina Yeshi Burce, Victor Anastacio at Lotlot de Leon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.