Claudine Nakikipag-agawan Ng Eksena Kay Janet Lim Napoles, Bidang-bida Sa Mga Tsismosa
Nakikipag-agawan ang mundo ng politika sa ingay ng mundo ng lokal na aliwan. Ang dahilan, ang makasaysayang si Janet Lim Napoles, ang negosyanteng nagdadamay ngayon ng mga kilalang politiko sa napakalaking anomalyang kinapapalooban nito.
Sumuko na sa Malacañang nu’ng isang gabi ang pinaghahanap na puganteng may nakapatong na sampung milyong pisong pabuya sa kanyang ulo, tapos na ang laban, sabi ng ating mga kababayan.
Sa totoo lang, ang ingay ni Napoles ay nakipag-agawan sa mga isyung kinasasangkutan ng nag-aaway na mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto, Cesar Montano at Sunshine Cruz at ng iba pang mga pinagpipistahang kontrobersiya sa showbiz.
Muling nagharap sa korte nu’ng Martes nang hapon sina Raymart at Claudine, kasamang dumating ng aktor ang kanyang mga kapatid, si Claudine lang at ang kanyang abogado ang dumating sa Marikina-RTC.
Ang kustodiya ng kanilang mga anak ang sinesentruhan ngayon ng korte, kanino nga ba mas dapat mapunta ang pangangalaga kina Sabina at Santino, sino ba sa mag-asawa ang mas karapat-dapat pagtiwalaan sa pagpapalaki sa kanilang mga supling?
Kung ang batas ang susundin, hanggang wala pang pitong taon ang anak ay mananatili ito sa kanyang ina, maliban na lang kung may malalalim na dahilan para hindi mapunta sa babae ang pangangalaga sa mga bata.
Kung si Gretchen Barretto ang tatanungin ay mas gusto nitong mapunta kay Raymart ang kanyang mga pamangkin, hindi na nagdetalye pa ang akres kung bakit, pero kampi ito kay Raymart kung ang pangangalaga kina Sabina at Santino ang pag-uusapan.
Bakit kaya?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.