‘Laplapan’ scene ni Ion sa movie aprub kay Vice; ABS-CBN muling binigyan ng Platinum Brand Award, Meme pinarangalan din
WALANG issue kay Vice Ganda kung makipaglaplapan ang boyfriend niyang si Ion Perez sa ka-partner nitong baguhang sexy star sa gagawing pelikula.
Si Ion ang napiling leading man ng newcomer at palaban sa hubaran na si Sunshine Guimary sa isang upcoming sexy comedy film.
Ayon kay Vice, aware siya sa mga gagawing intimate scenes nina Ion at Sunshine sa nasabing pelikula, in fact, siya pa ang nag-explain sa binata kung paano ginagawa ang mga laplapan scenes.
“Siyempre alam ko ‘yun dahil ako ang manager nina Jackie (Ate Girl) at Ion. Ako ang pumirma sa kontrata nila para sa project na ito,” ang pahayag ng TV host-comedian sa nakaraang online presson ng “Tawag Ng Tanghalan: Huling Tapatan” ng “It’s Showtime.”
Patuloy pa niya, “Nae-excite ako at sobra akong proud na, ‘ay ang taray na may nakuhang ganoong role si Ion,’ na siya ang pinili. Ang taray mo, you are the chosen one.
“Tapos, kilala ko rin kasi si Sunshine. Naging guest ko siya sa ‘Gabing Gabi na Vice’ (GGV online talkshow), Viva artist kasi iyon na ginu-groom ng Viva,” sey pa ng komedyante.
“Ako, go lang ako. Nasa showbiz tayo, eh. Trabaho ‘yun, kikita siya doon, ‘di ba?” diin pa ni Vice.
Sundot na tanong sa Kapamilya TV host, panonoorin ba niya ang love scene at kissing scene nina Ion at Sunshine?
“’Yun lang ang hindi ako sigurado kung panonoorin namin, kasi si Ion ayaw niyang pinanonood ang sarili niya.
“Kahit ‘yung pelikula ko na nandoon siya hindi siya sumama sa sinehan, ayaw niyang makita, nahihiya siya. Kahit ‘yung ‘Mang Kepweng’ na bumili pa ako ng ticket nu’n para panoorin namin nu’ng Pasko, ayaw niya talagang panoorin.
“Nahihiya talaga siya. Ayaw niyang ipapanood sa akin. Ayaw niyang nakikita ang sarili niya sa TV or sa mga palabas,” kuwento ng Phenomenal Box-Office Star.
Patuloy pa niyang chika, “Actually, ako ang nagsabi sa kanya na ano, sexy comedy ito, ha. Sabi niya, ano ang ibig sabihin ng sexy-comedy. Panoorin mo sa Netflix ito, ganito ang mga sexy comedy.
“Sabi niya, ‘may laplapan?’ Paano naging sexy comedy kung walang laplapan? Siyempre, makikipaglaplapan ka. Sabi niya, ‘Paano ‘yun?’ Aba’y hindi ko alam. Hindi pa naman ako nakipaglaplapan sa babae, ‘no.
“Ako, go lang ako. Deads ako sa ganoon. Super support ako. Siyempre, success niya iyon at saka Ion is a different person, iba siya bilang artista, iba rin siya bilang dyowa,” esplika pa ni Vice Ganda.
* * *
Mapagkakatiwalaan at maaasahan para sa mga Pilipino ang ABS-CBN, na muling pinarangalan ng Platinum Brand Award sa Reader’s Digest Trusted Brands 2020 habang Most Trusted Entertainment/Variety Presenter naman ang “It’s Showtime” host na si Vice Ganda.
Ito ang ikalimang sunod na taon na ginawaran ang Kapamilya network ng parangal na ito, na naka-base sa survey na isinagawa ng tanyag na international magazine kung saan libo-libong Pilipino ang bumoto base sa tiwala, kredibilidad, kalidad, halaga, inobasyon, at serbisyo ng mga kumpanya at personalidad.
Sa virtual awarding ceremony na inilathala sa website ng Reader’s Digest, sinabi ni ABS-CBN Integrated Marketing and Consumer Experience head na si Cookie Bartolome na magsisilbing inspirasyon ang karangalang natanggap para mas pagbutihin pa ng network ang paglilingkod sa mga Pilipino.
“For the past 67 years, ABS-CBN’s mission is to be in the service of the Filipino, and to be voted as a trusted brand is a testament of how through our brand of service we’ve earned the trust and support of millions of Filipinos that we have served.
“This award also serves both as a reminder and an inspiration of how at all times we should give our best and most meaningful service to inspire and uplift Filipinos wherever they may be,” ani Bartolome.
Samantala, buo pa rin ang tiwala ng madlang pipol kay Vice na muling kinilala para sa kanyang pagbibigay saya at inspirasyon sa mga Pilipino.
“I am so grateful that you appreciate my work as an entertainer. God bless you guys,” sabi Vice na nanalo rin sa parehong kategorya noong nakaraang taon.
Nagsimula ang Reader’s Digest Trusted Brands Awards noong 1998. Patuloy nitong inaalam ang pamantayan ng karamihan sa pagpili ng serbisyo sa pamamagitan ng pakikipagusap sa mga tao tungkol sa mga tatak na pinagkakatiwalaan nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.