Tambalang Liza-Enrique paghihiwalayin muna: Para hindi magsawa ang mga tao
INAMIN ni Ogie Diaz, manager ni Liza Soberano na may pag-uusap na nagaganap na magsama sa isang project ang aktres at ang sikat na Thai actor na si Vachirawit Chiva-aree o mas kilala bilang si Bright.
Sabi ng talent manager cum vlogger, “Actually na-pitch na rin sa amin yan so na-curious ako kung sino si Bright. Sikat pala na Thai actor yan.
“Ayoko namang pangunahan kasi baka sabihin epal ako, nangunguna ako. Hayaan nating mag-announce ang Star Cinema.
“Pero sa akin, excited ako kay Liza kung gagawin niya yung movie with Bright. Hindi ko alam kung movie or series so abangan natin yan,” dagdag pa niya.
Kung may project si Liza with Bright, posible pa bang matuloy ang teleserye ng aktres kasama ang boyfriend niyang si Enrique Gil ngayong 2021.
“Alam ko gagawa sila ng serye at movie together pero maghihiwalay muna sila pansamantala.
“So, gagawa si Enrique with another girl, gagawa si Liza with another guy. Parang for a change naman. Kanya-kanya muna sila.
“Para lang hindi manawa sa kanila yung mga tao na laging sila. Kailangan talaga yon. Malakas naman talaga ang LizQuen pero kailangan nilang mag-rest tapos magsasama uli,” paliwanag ni Ogie.
Habang sinusulat namin ito ay pelikula ang pagsasamahan nina Liza at ni Bright base sa tsika sa amin.
* * *
Ilulunsad na ng YouTube ang inaabangang “YouTube Music Night” sa Pilipinas at nakipagsanib-pwersa ito sa ABS-CBN para sa dalawang concerts ngayong Pebrero na pangungunahan ng Kapamilya singers na sina Jona, Juris, at Jed Madela.
Handa nang magpasaya ng mga puso at magpalaganap ng pag-ibig ang libreng virtual concerts na mapapanood sa darating na Feb. 6 at 13, 8 p.m. sa YouTube channels ng ABS-CBN Star Music, MOR, MYX, at One Music.
Sisimulan ang love month ng “YouTube Music Night sa “Love, Jona,” isang show na puno ng musika, pag-ibig, at feels na magaganap sa Feb. 6.
Hatid ni Jona ang iba’t ibang song medleys tampok ang mga kanta ni Daniel Padilla, sariling mga awitin, at iba pang love songs na may re-imagined versions. Makakasama niya rito ang special guests na sina JMKO, Jeremy G, at Bugoy Drilon.
Isa namang back-to-back Valentine’s special ang mapapanood sa February 13 (Sabado) sa “YouTube Music Night” na pinamagatang “Hearts On Fire: Juris and Jed.”
Pangungunahan ni Juris ang first half ng show at pupunuin ng pag-ibig sa pamamagitan ng kanyang mga ihahandang awitin. Makakasama niya rito si Ice Suguerra bilang special guest.
Susundan ito ng makabagbag damdaming vocal performances ni Jed sa ikalawang bahagi ng show. Makakasama dito ng tinaguriang World Champion ang bisitang si Markki Stroem.
Sina Edward Barber at Ai dela Cruz ang magsisilbing hosts ng “Love, Jona” na ididirek ni Frank Mamaril, habang sina Edward at Samm Alvero naman ang hosts ng “Hearts On Fire: Juris and Jed” na pangungunahan ng direktor nito na si Marvin Caldito. Hatid ng YouTube Philippines ang mga proyektong ito sa ilalim ng produksyon ng ABS-CBN Music.
Inaasahang maghahatid ng bonggang production at makatindig-balahibong song numbers ang “YouTube Music Night” na programa ng YouTube sa bansa. Ito ang kauna-unahang “YouTube Music Night” sa Southeast Asia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.