Jose, Kakai, Derrick ayaw pang magpabakuna ng anti-COVID; pero handa nang humataw sa ‘Catch Me Out PH’
HINDI pa handang magpabakuna ng anti-COVID-19 sina Jose Manalo, Kakai Bautista at Derrick Monasterio kahit pa magdatingan ang iba’t ibang brand ng vaccine sa Pilipinas.
Ayon sa “Eat Bulaga” Dabarkads, pakikiramdaman muna niya ang mga kaganapan hinggil sa patuloy na banta ng pandemya sa mga susunod na buwan bago niya pag-isipan ang pagpapabakuna.
“Siguro sa ngayon, hindi pa naman. Pero siyempre, kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat. Pinakikiramdaman ko rin yung katawan ko ngayon kung paano.
“Maraming usapin, maraming haka-haka diyan, hindi natin alam kung ano ang paniniwalaan natin, kaya siguro hindi pa. Pero kailan lang, nagpabakuna ako, flu shot. Du’n na lang muna tayo. Basta doble ingat pa rin para hindi tayo tamaan ng sakit,” paliwanag ni Jose nang makachikahan namin sa virtual presscon ng bagong reality talent show ng GMA na “Catch Me Out Philippines”.
Para naman sa mga co-host ni Jose sa nasabing programa na sina Derrick at Kakai, ayaw pa rin nilang magpaturok ng anti-COVID vaccine sa ngayon.
Ayon kay Kakai, baka raw pumayag din siya kung isasama ito sa mga requirements bago makapagtrabaho. Pero hangga’t maaari ay ayaw pa niyang magpabakuna.
Samantala, handang-handa nang ibandera nina Jose, Kakai at Derrick ang mga hahataw sa latest game-reality talent show na “Catch Me Out Philippines” na talaga namang pang-world class ang datingan.
Sey ni Jose, talagang hindi aakalain ng viewers na isang amateur pa lang ang nagpe-perform kasama ng mga professional.
“Dito sa ‘Catch Me Out Philippines,’ meron talaga silang dream. Halimbawa, meron akong sayaw na gusto kong magawa which is ‘di ko naman nagagawa in real life.
“Kaya mapag nakapasok sila sa audition, ite-train na sila ng mga professional. Sabihin na natin belly dancing, tuturuan sila ng pinakamagaling na belly dancer na makukuha.
“Dadaan sila sa training na para pag sinalang sila on stage, as in hindi mo masasabi na amateur sila at magmumukha silang professional. Masasabi mo pa nga na mas magaling pang sumayaw ‘yung amateur kaysa dun sa ibang professionals kaya malilito talaga ‘yung mga nagdya-judge pati mga manonood,” paliwanag ng TV host-comedian.
“Wala kaming ginagawang iba para lituhin ang mga tao. As in sila mismo, ‘yung mukha nila at itsura nila. Hindi sila naka-blur, except sa VTR lang mismo.
“Pero during the contest, sila talaga mismo kaya ang hirap hulaan. Pati kami nina Derrick at Kakai, hindi namin alam ‘yung amateur sa professional kaya kami nakikihula,” aniya pa.
Sa tanong kung ano mas challenging hulaan, ang mga kalahok sa “Catch Me Out Philippines” o ang mga choices sa “Bawal Judgmental” ng “Eat Bulaga”, sagot ni Jose, “Sa akin mas mahirap ‘yung may talent kasi kumikilos na sila pero hindi mo pa rin sila mai-judge, e.
“Unlike ‘yung ‘Bawal Judgmental’ kasi nagre-revolve sa story ‘yung sinasabi nila so minsan nalalaman mo agad kung sino pero mahirap hulaan pa rin.
“Ang kaibahan kasi dito gumagalaw ‘yung tao at nakikita mo ‘yung mukha pero hindi mo mahulaan kung professional ba o amateur siya.
“Regarding naman sa ‘Bawal Judgmental’ ang nahihirapan talaga diyan ‘yung namimili, ‘yung guests kasi sila nanghuhula. Pero siguro mas mahirap ‘yung manghula ng hindi gumagalaw kasi wala silang facial expression tapos ‘yung topic napakaganda, hindi mo talaga alam kung sino,” sey pa ng Kapuso comedian.
Magsisimula nang humataw ang “Catch Me Out Philippines” sa Feb. 6, 7:15 p.m. sa GMA 7.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.