Iniulat ng Ookla Speedtest Global Index ang 14-notch na pag-akyat ng Pilipinas sa ranking sa mobile Internet connection speed.
Nagtala ang Pilipinas ng average mobile Internet speed na 22.50 megabits per second (Mbps) noong December 2020 kumpara sa 18.49Mbps noong November 2020.
Sa kabuuang 118 million tests na isinagawa sa buong bansa — kasama ang bawat rehiyon, siyudad at munisipalidad — noong 2020, ang buwanang pagbilis ng speed na 4Mbps sa mobile mula November hanggang December ay itinuring na pinakamataas sa lahat ng naging buwanang paglaki mula noong Hulyo 2016.
Ang improvement na ito sa mobile internet connection ay nag-angat sa Pilipinas sa nakaraang mga buwan tungo sa 29th mula 34th sa kabuuang 50 Asian countries at umangat din tungo sa 18th mula sa ranggong 22nd sa 46 Asia Pacific countries.
Naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2020 na pabilisin ng mga local government units ang pagkakaloob permits kaugnay sa pagtatayo ng cellular towers.
Mula noon, kapansin-pansin ang ang pagdami ng issuance of permits mula Hulyo hanggang Disyembre 2020 kumpara sa average monthly numbers ng permits na naisyu noong 2019.
Iniulat ng National Telecommunications Commission (NTC) na noong 2019 ay 63 permits lamang ang monthly average na naipagkaloob sa Globe at may monthly average na 50 permits para sa Smart.
Malayo ang nasabing datos sa average na buwanang bilang ng permit nito lamang Hulyo hanggang Disyembre 2020- umangat sa 552.65% (348 permits) para sa Globe at 194.33% (97 permits) para sa Smart.
Dahil dito, higit na dumami ang bilang ang cellular towers- mula Hulyo hanggang Disyembre 2020 ay may kabuuang 2,939 karagdagang towers at physical sites ang naitayo.
Ang Pilipinas ay may kabuuang 22,834 cellular tower/sites sa kasalukuyan- kung saan ang Globe ay may 10,395; Smart ay may 10,079; at DITO ay may 2,360.
Puspusan rin ang pagtatayo ng fiber optic network ng telcos na may kabuuang 543,740 cable-kilometers ang naitayo na sa buong bansa.
Pinakamalawak ang Smart/PLDT na nakapagtayo nang may 429,270 cable-kilometers ng fiber optic- Globe ay may 67,414 cable-kilometers; Converge ay may 33,000; at DITO ay may 14,056.
Noong 2020 lamang ay may kabuuang 144,551 cable-kilometers of fiber optic ang naitayo- ang Smart/PLDT ay nakapagdagdag ng 106,914 cable-kilometers; ang Globe ay may 13,414; Converge ay 10,167; at DITO naman ay 14,056 cable-kilometers.
Ipinatutupad na rin ang Common Tower Policy upang mas mapabilis pa at matustusan ang mobile internet services ng bansa.
Nilinaw ng Globe na nakikipagtulungan sila sa paggamit pa ng 11 tower companies, samantalang ang Smart ay nakipagkasundo naman sa iba pang siyam na tower companies.
Ilulunsad ang commercial operations ng DITO sa parating na Marso na nagtulak upang magdagdag ng kapital ang Globe at Smart.
Ang Globe ay naglaaan ng P90 bilyon; samantalang ang Smart naman ay naglaan ng P92 bilyon para lamang sa 2021. Ito ang pinakamalaking kapital na inilaan ng dalawang telco sa nagdaang anim na taon.
Desidido naman ang DITO kung kaya ito ay gumastos ng P150 bilyong kapital noong 2020.
Inatasan ng NTC ang lahat ng telco na magsumite ng kani-kanilang mga roll-out plan para sa taong 2021 nitong ika-20 ng kasalukuyang buwan.
Magbibigay-daan ito sa NTC upang mamonitor ang progress ng mga telco sa higit pang pagpapabilis ng internet speed.
Nakahanda rin ang komisyon na tulungan ang mga telco sa anumang pangangailangan ng mga ito upang masiguro ang maayos na implementasyon ng mga rollout plan sa taong ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.