Angat pa rin ang Beermen | Bandera

Angat pa rin ang Beermen

- March 22, 2010 - 11:23 AM

Lucky Shot ni Barry Pascua

MASAKLAP para sa San Miguel Beer ang pangyayaring hindi ito nakarating sa Finals ng nakaraang KFC-PBA Philippine Cup gayong bago nagsimula ang 35th season ay isa ito sa pinapaborang koponan.
Kasi nga’y malakas talaga ang lineup ni coach Bethune “Siot” Tanquingcen. Biruin mong ang Beermen ang nakakuha ng unang automatic semifinals ticket kahit pa na-miss nila ang serbisyo nina Anthony Washington, Danny Seigle at Danilo Ildefonso sa malaking bahagi ng elimination round bunga ng injuries.
Nakabalik naman sa active duty ang tatlong superstars na ito sa best-of-seven semifinals kung saan nakaharap ng Beermen ang Purefoods Tender Juicy Giants. Nakapagposte pa nga sila ng 2-1 bentahe sa kalaban.
Pero hanggang doon na lang ang inabot nila. Nagwagi ang Giants sa huling tatlong laro ng semis upang umusad sa Finals kung saan winalis nila ang Alaska Milk, 4-0, para makopo ang kampeonato.
Iyon ang masaklap. Kung kailan nabuo’t lumakas, doon pa nawindang ang Beermen.
Marahil ay hindi na mangyayari sa San Miguel iyon sa kasalukuyang Fiesta Conference dahil antimano’y buo na kaagad sila at walang injured players. Alam na ng lahat ang kani-kanilang roles na gagampanan.
Isa pa’y hindi na nila kailangan ng panahon para mag-adjust sa kanilang import dahil sa pinabalik nila ang datihang si Gabe Freeman. So, ngayon ay talagang paborito ang San Miguel na siyang defending champion ng Fiesta Cup.
Pero, may pag-aalinlangan pa rin si Tanquingcen.
Bakit?
Kasi, nawala na ang ‘element of surprise’ para sa kanilang mga kalaban.
Magugunitang noong nakaraang season ay si Nate Carter ang first choice ng San Miguel bilang import sa Fiesta Conference. Pero hindi ito nakapaglaro dahil sa hindi nito nakuha ang clearance buhat sa European team nito. Kaya pinarating ng San Miguel bilang substitute import si Freeman na hindi kilala at hindi na-scout ng ibang teams.
Aba’t ginto pala ang napulot ng Beermen. Hayun at natulungan ni Freeman na magkampeon ang San Miguel.
At siyempre, one good turn deserves another. Natural na bigyan ng second chance ng San Miguel si Freeman na muli silang matulungan. At kundisyon naman ito dahil sa naging import din si Freeman ng Philippine Patriots na nagkampeon sa nakaraang Asean Basketball League.
“I have high hopes for the second conference but a so guarded optimism,” ani Tanquingcen. “Gabe was able to sneak in last year. He’s an unknown. But now, everybody knows him, alam na ang style ng laro niya. Mapaghahandaan na siya. We have to do a better job as a team.”
Dagdag ni Tanquingcen, “Gabe is not an individual scorer who can make 40 points every night. Everybody will be gearing up for him. Box out, doble na trabaho namin para mabigyan siya ng scoring opportunity. But, of course, we will have better team chemistry now. ‘Yun ang plus factor.”
Dahil sa datihan ang kanilang import, kahit na kabisado ito ng ibang team, inaasahang mamamayagpag kaagad ang Beermen sa unang bahagi ng elimination round. Baka nga ang San Miguel din ulit ang makasikwat ng unang automatic semifinals berth.
At dahil natuto na sila sa nakaraang Philippine Cup, siguradong mas maganda ang magiging performance ng Beermen ngayon. Duduguin muna ang lahat bago nila mapatalsik sa trono ang Beermen!

Bandera Sports, 032110

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending