Nova Villa ginawaran ng Papal award: Lahat ng ginagawa ko sa showbiz may kaakibat na misyon
“LAHAT ng ginagawa ko sa showbiz ay may kaakibat na misyon.”
Iyan ang bahagi ng mensahe ng veteran actress na si Nova Villa matapos gawaran ng Pro Ecclesia et Pontifice (For the church and the Pope) Papal Award.
Ito ang pinakamataas na award na ibinibigay ng Santo Papa sa mga taong buong-puso at walang sawang naglilingkod sa Diyos at sa Simbahan.
Iginawad sa beteranang aktres at komedyana (Novelita Gallegos sa tunay na buhay) ang papal award kahapon sa San Lorenzo Ruiz Parish sa Quezon City.
“Yung ambisyon kong mag-artista became a mission, lahat ng ginagawa ko sa showbiz ay may kaakibat na misyon,” pahayag ni Nova Villa sa panayam ng Radio Veritas.
“Bukal sa puso ko ‘yung anything na ginagawa ko for God. I’m happy to do it kahit mahirap,” sabi pa ng aktres na limang dekada na ang itinatagal sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Aniya pa, “I think, I am just an instrument of God’s grace to people. By being nice to people, giving smile at them, you’re giving them hope.”
Samantala, binati naman ang 73-year old veteran actress ng kapwa niya Papal awardee na si Ai Ai delas Alas sa pamamagitan ng Instagram.
“Congratulations, Tita Nova Villa, for your Papal award!
“The Pro Ecclesia et Pontifice is awarded to those who, in general, deserves well of the Pope on account of service done for the Church and its head.
“We are very happy and rejoicing with you (my co-Papal awardee). Thank you for spreading God’s goodness and mercy. To God be the Glory, always and forever,” mensahe pa ng Kapuso comedienne.
Taong 2016 nang gawaran si Ai Ai ng Pro Ecclesia et Pontifice Papal Award na ginanap sa Cathedral of the Good Shepherd sa Quezon City. Kinilala ng Simbahan ang pagiging deboto ng komedyana at walang sawang pagtulong sa mga simbahan.
“Hindi ko alam kung ano’ng mararamdaman ko kasi sa dami ng nilalang sa mundo, bakit ako? Worthy ba ako? Pero siyempre, susunod lang ako. Kung ano ‘yung plano ni Lord for me, doon tayo.
“’Yun ‘yung talagang gusto ko noon pa, magkaroon naman ng kasaysayan ang mundo ko. Kapag humarap ako kay Lord, ano bang na-contribute ko bukod sa pagpapatawa sa buong Pilipinas? Masasabi ko na na naka-contribute naman ako sa iba Niyang anak at iba pa Niyang projects,” pahayag pa ni Ai Ai.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.