Kapuso star na bibida sa ‘Voltes V: Legacy’ ipinasilip na; bagong teaser mala-Hollywood ang datingan
KINILABUTAN ang maraming Kapuso viewers nang mapanood ang bagong teaser ng live-action adaptation ng Japanese anime series na Voltes V.
Nagkakaisa ang mga fans ng Voltes V, lalo na ang mga Pinoy na talagang nasubaybayan ang anime version nito ilang dekada na ang nakararaan, sa pagsasabing mala-Hollywood ang datingan ng latest trailer nito.
Mas lalo pang na-excite at na-curious ang mga manonood nang ipasilip na ang itsura ng isa sa cast members ng “Voltes V: Legacy” na siyang gumaganap bilang si Steve Armstrong.
Si Steve o Kenichi Go sa anime version nito ang tumatayong leader na grupo at siya nga ang maririnig sa teaser na sumigaw ng classic line sa nasabing anime series na “Let’s volt in!” kasunod ng boses ng iba pang cast.
Kanya-kanyang hula naman ngayon ang mga netizens kung sino ang gaganap na Steve dahil nga ang ibabang bahagi lang ng mukha nito ang nakita sa video dahil nakasuot nga ito ng headgear.
Ipinasilip din sa trailer ang bonggang computer graphics ng Voltes V’s headquarters na Camp Big Falcon pati na ang pag-ariba ng super electromagnetic machine mula sa kampo, ang iconic laser sword ng higanteng robot at ang Bozanian skull floating fortress.
Ito ang second teaser ng “Voltes V: Legacy” na inilabas ng GMA mula nang i-announce na gagawan nga nila ito ng live action version noong 2020 Kapuso New Year Countdown.
At tulad nga ng unang teaser, mabilis ding nag-trending ang ikalawang pasabog na trailer ng “Voltes V: Legacy” sa Twitter na nakatanggap din na libu-libong likes at comments mula sa mga netizens.
Kung matatandaan, unang umere ang “Voltes V” sa GMA 7 noong late 70s na talaga namang sinubaybayan ng mga batang Pinoy kung saan nga sumikat ang mga karakter ng mga bidang sina Steve, Big Bert, Mark at Jamie.
Nitong nagdaang Disyembre, nag-post din ang direktor ng “Voltes V: Legacy” na si Mark Reyes ng litrato ng mga bibida sa Pinoy version ng serye, pero hindi niya ipinakita ang mga mukha. Aniya, sinukatan na ang apat para sa kanilang V5 suits.
Sa isang panayam naman noon, sinabi ng Kapuso creative director na si Aloy Adlawan na matutuloy pa rin ang “Voltes V: Legacy” kahit may pandemya, “All systems go for Voltes V. Walang instructions na whatsoever to delay.
“Siyempre na-delay lang siya kasi ang dami namin prinioritize na mga bagay, lalo na sa production, pero tuloy pa rin kami,” aniya pa.
In fairness, puro magagandang comments ang nabasa namin mula sa mga nakapanood ng latest trailer at sana raw ay hindi sila ma-disappoint kapag umere na ang serye. Sabi nga ng isang netizen, “GMA lang ang malakas! Pero sana hindi lang sa trailer ang pasabog ha!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.