Mabisang bakuna muna bago Cha-Cha
Nabuhay at maingay na naman ang isyung Cha-Cha (Charter Change o Constitutional Amendments).
Bakit ba tuwing matatapos ang termino ng (mga naging) pangulo, ang ating mga mambabatas, lalo na yung mga kapanalig o kaalyado nila, ay nagpupumilit na mag Cha-Cha? Cha-Cha sa panahon ng pandemyang Covid-19? Seryoso ba kayo?
Ang pagpalit (revision) ng ating constitution ay maaaring mangyari sa dalawang paraan. Ang una ay kung magkakaroon ng rebolusyon. Ito ay isang extra-constitutional at hindi naaayon sa constitution. Matatandaan na ang 1973 Constitution ay napalitan ng 1986 Freedom Constitution matapos magkaroon ng isang EDSA Revolution. Ang 1986 Freedom Constitution ay nalikha (at nagkaroon ng bisa) na hindi naaayon sa mga itinakda ng 1973 Consitution dahil ito ay ginawa sa panahon ng Revolutionary Government ng dating pangulong Corazon C. Aquino. Ang pangalawa ay yung alinsunod o naaayon sa itinakda ng constitution. Nagkaroon ng revision ng 1986 Freedom Constitution at ito ay tuluyang pinalitan ng kasalukuyang 1987 Constitution na nagkabisa noong February 11, 1987. Ang revision o pagpalit nito ay alinsunod at naaayon sa itinakda ng 1986 Freedom Constitution.
Ang revision o pagpalit ng ating 1987 Constitution ay maaari lamang ipanukala ng Kongreso (acting as Constituent Assembly) sa pamamagitan ng 3/4 votes ng lahat ng miyembro nito. Ang ibig sabihin, ito ay dapat suportado ng hindi bababa ng 18 senador at 228 na kongresista. Maaari din palitan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention na ipapatawag ng Kongreso na suportado ng 2/3 votes ng lahat ng miyembro nito. Maaalala na noong 1970 tayo ay naghalal ng mga delegado (delegates) para sa 1971 Constitutional Convention upang bumalangkas at gumawa ng bagong constitution (1973 Constitution). Kung sakaling mayroon nang nagawang bagong constitution ang Kongreso o ang Constitutional Convention, ito naman ay dapat aprobahan (ratify) ng taong bayan (qualified voters) sa isang plebicite katulad ng naganap noong February 2, 1987 kung saan inaprubahan (ratified) ng taong bayan ang 1987 Constitution.
Maari din baguhin (amend) ang ilang provisions ng 1987 Constitution na hindi kailangang palitan ang buong constitution. Dapat tandaan na kung ang nais ay palitan ang buong constitution, ang tamang paraan ay revision sa pamamagitan ng Constitutional Convention, o 3/4 votes ng lahat ng miyembro ng Kongreso. Kung ang objective ay baguhin (amend) lamang ang ilang provisions nito, ang tamang paraan ay makakuha ng 3/4 votes ng lahat ng miyembro ng Kongreso, o sa pamamagitan ng Constitutional Convention, o initiative. Bagamat pinapayagan sa constitution ang amendments sa pamamagitan ng Constitutional Convention, ito naman ay impractical at magastos para sa amendments lang ng constitution.
Ang initiative ay isang bagong paraan na hindi makikita sa mga dating constitution natin. Maaari ng direktang magmungkahi ang sino mang rehistradong botante ng Pilipinas na baguhin (amend) ang ilang provisions ng ating constitution. Ito ang tinangkang gamitin noon ng mga supporters ng dating pangulong Fidel Ramos at Gloria Macapagal Arroyo na may layuning palawigin ang termino (term extension) o para palitan ang sistema ng ating gobyerno bilang parliamentary form of government. Ang initiative ay maaari lamang gamitin sa pag-amend ng constitution at hindi sa pagpalit o revision ng constitution. Kagaya ng pagpalit o revision ng constitution, ano man pagbabago o amendments na gawin sa constitution ay dapat aprobahan (ratify) ng taong bayan (qualified voters) sa isang plebicite.
Ang constitution ay hindi sinulat sa bato. Walang duda at question na maaari itong palitan (revise) at baguhin (amend) at nasa kapangyarihan naman ng bawat senador at kongresista na magmungkahi na baguhin ito. Sinabi ng mga senador at kongresista na nagsusulong ng Cha-Cha na ang economic provisions lang ng constitution ang tatalakayin at babaguhin upang ito ay makatulong sa economic recovery ng bansa. Magandang aksyon sana ito kung napapanahon at tama sa timing. Tulad ng mga naunang nagtangkang mag Cha-Cha nang malapit ng matapos ang mga termino ng mga namumuno, ito ay pagdududaan ng marami na isang hakbang para manatili sa pwesto at political power ang ating mga namumuno. Ang pagduda at pangamba ng marami ay may basehan. Walang makakapagpigil sa Kongreso kung ano ang imumungkahi nitong baguhin (amend) kapag ito ay umaakto na bilang isang Constituent Assembly. Pwede nitong imungkahing baguhin kahit ano sa constitution, kasama na ang no election o term extension ng pangulo, vice-president at miyembro ng Kongreso. Pati pagbuwag (abolition) ng mga ilan position o opisina ay pwede nilang imungkahi.
Ang Cha-Cha sa panahon ng Covid-19 ay magdudulot lang ng paghahati (divisive) sa taong bayan. Mali din pag-usapan ang ganitong “political activities” sa Kongreso sa panahon ngayon ng pandemya. Ika nga insentive sa mga taong bayan na ngayon ay dumadanas ng kahirapan dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19
Napakaraming problema ng ating bansa dahil sa nagaganap na pandemya. Ito na lang sana ang tutukan ng mga nagsusulong ng Cha-Cha. Itutok at bigyan pansin kung papaano mabibigyan ang taong bayan ng tama, mura, ligtas at pinakamabisang vaccine kontra Covid-19. Pera ng taong bayan ang gagamitin sa pagbili ng vaccine kaya dapat lang ibigay sa kanila ang pinakamahusay at pinakamabisang vaccine.Huwag naman sana yung vaccine na “pwede na”.
Mabisang bakuna muna bago Cha-Cha.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.