Trump tuluyan nang sinipa ng Twitter dahil sa pag-uudyok ng karahasan | Bandera

Trump tuluyan nang sinipa ng Twitter dahil sa pag-uudyok ng karahasan

Karlos Bautista - January 09, 2021 - 10:26 AM

Si President Donald Trump habang nagsasalita sa rally na temang  “Stop The Steal” noong Miyerkules sa Washington DC. (AFP)

Permanente nang sinuspinde ng Twitter ang account ni US President Donald Trump dahil sa umano’y panganib ng karagdagang karahasan matapos na salakayin ng mga tagasuporta nito ang US Capitol.

“Matapos ang masusing pagrepaso sa mga bagong Tweets mula sa @realDonaldTrump account,” wika ng Twitter sa blog post nito, “permanente na naming sinuspende ang account dahil sa panganib na mag-uudyok pa ito ng karahasan.”

Nauna rito ay temporaryong sinuspinde ng Twitter–ang paboritong megaphone ni Trump–ang kanyang account sa loob ng 12 oras matapos ang marahas at madugong paglusob sa US Capitol noong Miyerkules kasabay ng bantang maaaring permanente siyang masuspende kung patuloy na lalabag sa mga patakaran ng Twitter.

Matapos ang suspensiyon, isang video message ang ipinost ni Trump na may kalmadong tono. At sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin niya na patapos na ang kanyang termino at nangako ng maayos na paglilipat ng kapangyarihan kay Joe Biden.

Pero dalawang tweet ni Trump nitong Biyernes ang naging basehan para permanante ng sipain siya ng Twitter.

Isa dito ay ang pangako niya sa mga tagasuporta na walang sinuman ang pwedeng “bumastos” sa kanila. Ganundin,  sinabi niya na hindi siya dadalo sa inagurasyon ni Biden sa Enero 20, isang hakbang na taliwas sa tradisyon ng paglilipat ng kapangyarihan ng presidente sa America.

“Ang mga Tweets na ito ay kailangang intindihin sa konteksto ng malawak na mga pangyayari sa bansa at sa mga pamamaraan na ang pahayag ng Presidente ay maaaring gamitin ng iba’t ibang bumabasa nito, kabilang na sa pag-uudyok ng karahasan, at pati na rin sa konteksto kung paano ang account na ito ay ginagamit sa mga nakaraang linggo,” ayon sa Twitter.

Napatunayan ng higanteng kumpanya ng social media na nilabag ni Trump ang “Glorification of Violence Policy” ng Twitter kung kaya’t ang “user na @realDonaldTrump ay dapat na kaagad na permanenteng masuspende.”

Ikinonsidera din umano ng Twitter ang mga plano na sumusulpot sa mga Tweets na magsagawa ng armadong pagpoprotesta, kabilang na ang mungkahi ng mga tagasuporta ni Trump na muling salakayin ang US Capitol at ang mga gusali ng state capitol  sa Enero 17.

Ang pahayag ni Trump sa Twitter na hindi siya dadalo sa inagurasyon ay nakikita ng kanyang mga tagasuporta na senyales ng patuloy na pagtanggi nito na irespeto ang resulta ng eleksyon at sa ganon ang araw ng panunumpa ni Biden ay maaring gawing target ng mga maka-Trump para muling maghasik ng kaguluhan, ayon sa Twitter.

Maaari ring makita ng mga tagasuporta ng Presidente ang Tweet nito noong Biyernes na pagpuri sa mga nagsagawa ng tinatawag na kudeta sa Capitol, at ang indikasyon na wala siyang plano na maayos na mailipat ang kapangyarihan kay Biden, wika pa ng Twitter.

Kinumpirma ng Twitter na ilang daang empleyado nito ang sumulat sa chief executive nito na si Jack Dorsey para ipahayag ang kanilang pagkabahala  sa “insureksyon” na isinagawa ng mga tagasuporta ni Trump na bunsod na rin sa panunulsol ng Presidente.

Nanawagan ang mga kawani na irepaso ang naging papel ng Twitter sa kaguluhan noong Miyerkules sa bansang itinuturing na simbolo ng demokrasya sa buong daigdig.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Mula sa ulat ng Agence France-Presse

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending