Anthony nagbanta sa nagnakaw ng pera sa Ka Tunying, pati bangko damay: Naghahanap kami ng katarungan!
DESIDIDO nang kasuhan at ipakulong ni Anthony Taberna ang taong pinagkatiwalaan ng kanyang pamilya pero nagawa pa ring pagnakawan ang kanilang restaurant business.
Bukod sa nasabing empleyado ng pag-aaring Ka Tunying’s, idedemanda rin ng TV host-news anchor ang banko at iba pang nakipagsabwatan sa pagnanakaw sa kanila.
Sa kanyang Instagram page, naglitanya si Anthony tungkol sa mga pinagdaraanang pagsubok ngayon ng kanyang pamilya — mula sa pagkakasakit ng panganay niyang anak na si Zoey at sa pagpapasara sa ABS-CBN hanggang sa pagnanakaw nga sa Ka Tunying’s.
“Pinakamabigat na dinaanan namin sa taong ito ay ang karamdaman ni Zoey. Habang pinapasan namin ito ay pumutok ang Bulkang Taal at dumating ang pandemya na humampas nang husto sa Ka Tunying’s at sa mga umaasa rito.
“Nakakatindig naman kahit paano dahil sumusuweldo pa ako noon sa ABS-CBN pero nadale naman nang hindi maaprubahan ang franchise sa Kongreso.
“Pero okay pa rin. Pagsubok lang yan. Ngiti pa rin. Nakatindig pa rin. Tapang-tapangan, lakas-lakasan. Pero di ko akalain na bago matapos ang 2020, may humahabol pa!” simulang pagbabahagi ni Ka Tunying.
Banta pa niya, “Kakasuhan namin ang taong ito pero hindi ako papayag na di mananagot ang bangko at pati na ang kaniyang mga kasapakat. Naghahanap kami ngayon ng KATARUNGAN.
“Tulad ng unti-unting paggaling ni Zoey, tiwala rin kami na makakabawi at hindi babagsak ang kumpanya. Oo nga at nahihirapan kaming lahat ngayon sa Ka Tunying’s pero hindi kami basta susuko,” lahad pa ng komentarista sa TV at radyo.
Mensahe pa niya, “Malakas ang loob namin dahil may mga taong tumatangkilik at nagmamahal sa amin at sa Ka Tunying’s. Hindi ko tatalikuran ang maraming umaasa rito na mga empleyado at kanilang pamilya.
“Pagsasama-samahin namin ang lakas namin at ang pagtangkilik ng publiko taglay ang inspirasyon ni Zoey sa amin.
“Higit sa lahat, sasandal ang aming tiwala sa Panginoong Diyos at manghahawak sa pangako na hindi Niya tayo pababayaan,” paninindigan pa ni Anthony Taberna.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.