Jodi sumugal sa BL movie para sa MMFF 2020; Bugoy favorite ng int’l press
IDINAAN pala sa survey ng producer ng pelikulang “The Boy Foretold By The Stars” ang pagkuha kay Bugoy Drilon na siyang kumanta ng soundtrack ng pelikula.
Ito’y pinagbibidahan nina Adrian Lindayag at Keann Johnson na isa sa mga official entry sa 2020 Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa Dis. 5.
Ang soundtrack ng movie ay may titulong “Ulan” na sinulat at nilapatan ng melody ni Jhaye Cura, produced and arranged by TBear Music Guitars ni Tommy Katigbak; back-up vocals ni Dan Billano, vocals recorded ni Marvin Querido ng @OnQ Studios Mixed and Mastered by TBear Music.
Tinanong kasi namin kung bakit si Bugoy ang napili sa isa sa mga producer na si Omar Sortijas ng Clever Minds.
“Sikat siya sa ibang bansa, mga kanta niya million views sa YouTube at saka may international press kami na siya ang gusto,” kuwento ni Omar.
Binanggit sa amin ang ibang pinagpilian na pawang magaganda rin ang boses at sikat din, pero si Bugoy nga ang napili, dahil siguro pang masa talaga ang kanyang boses.
Ang ABS-CBN Star Music ang magre-release ng “Ulan” sa Dis. 17 at mapapakinggan ito sa lahat ng online platform at siyempre sa pelikulang “Boy Foretold By The Stars.”
Samantala, ang dami nang nag-aabang ng pelikulang ito at maski mga kaibigan naming nasa ibang bansa ay inaalam kung paano nila mapapanood ang pelikula dahil nalaman nilang puwede na itong mapanood worldwide sa mapapagitan ng Globe via UPSTREAM.ph sa halagang P250 lang.
“Kasi para pumasa sa Metro Manila Film Festival itong BL movie, meaning maganda talaga, may nakita ang jurors,” sabi sa amin ng director nitong si Dolly Dulu. nakagawa na rin ng ganitong klase ng pelikula.
Sabi naman ng isa pang kilalang personalidad, “Bet ko panoorin itong Boy Foretold By The Stars, sana maganda ang pagkakadirek ni Dolly.”
Si direk Dolly ay naging assistant director sa mga pelikulang “Wild Little Love” (2019), “The Write Moment” (2017) at “To Love Some Buddy” (2018) at hindi naman siguro ito susugalan ng aktres na si Jodi Sta. Maria bilang producer kung hindi niya ito nakitaan ng potensyal.
Ang “The Boy Foretold By The Stars” ay base sa play na isinulat mismo ni direk Dolly na ipinalabas sa Ateneo de Manila.
Aniya, “It was the very first play na sinulat ko and it was the main reason why I became a writer kasi na-realize ko na may talent pala ako sa pagsusulat at sa pagkukuwento.”
“Who would have thought na ‘yung dulang iyon na ini-estage sa napakaliit na Fine Arts Theater sa Ateneo na may 100 max audience ay maikukuwento sa isang mainstream festival na MMFF? Ito talaga ‘yung ultimate glow up!” ani Direk.
Mapapanood ang “The Boy Foretold By The Stars” simula sa Dis. 25 hanggang Enero 8 handog ng Brainstormers Lab at Clever Minds, Inc.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.