Toni, Kim, Robi, Bianca, Enchong, Melai sanib-pwersa sa PBB Connect; Bahay ni Kuya super safe sa COVID
TULOY na ang muling pagbubukas ng Bahay Ni Kuya ngayong Linggo, Dec. 6, para sa “Pinoy Big Brother Connect,” ang ikasiyam na season ng “PBB”.
Mapapanood na ang isa na namang edisyon ng tinaguriang teleserye ng totoong buhay sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at Kumu.
Kahit pa may pandemya, hindi dapat tumigil ang pag-abot sa pangarap tulad ng 14 na opisyal na housemate na napiling maging bahagi ng pinakamahaba at pinakamalaking reality show sa bansa.
Makakasama pa rin ng madlang pipol sa pagsubaybay sa “PBB Connect” sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Robi Domingo, Kim Chiu, Melai Cantiveros, Enchong Dee at Richard Juan.
Simula noong Lunes, isa-isa nang ipinakikilala ang housemates na napili ni Kuya mula sa mahigit 177,000 na nag-audition sa Kumu mula sa buong mundo. Kabilang sina Andrea Abaya (Ang Cheerdance Sweetheart ng Parañaque), Justin Dizon (Ang Courageous Cabalen ng Pampanga), Jie-Ann Armero (Ang Kwelang Fangirl ng Sarangani), Kobie Brown (Ang Charming Striker ng Parañaque), Chico Alicaya (Ang Striving Footballer ng Cebu), Mika Pajares (Ang Single Momshie-kap ng Bataan), Ella Cayabyab (Ang Ra-kweentera ng Quezon), at Kyron Aguilera (Ang Shy Biker Boy ng Butuan).
Sa mga susunod na araw makikilala na rin sina “Alluring Accountant ng Australia,” “Bunsong Boksingero ng General Santos City,” “Miss Malakas ng Misamis Oriental,” “Military Son ng Palawan,” “Makatang Marikit ng Pangasinan,” at “Dong Diskarte ng Zamboanga Del Sur” sa Kumu, “It’s Showtime,” at “TV Patrol.”
Pawang mga miyembro ng Gen Z at millennials ang housemates ni Kuya sa “PBB Connect,” na haharap sa mga task na magbibigay inspirasyon sa lahat na “kumunect” sa sariling kakayahan, “kumunect” sa pamilya, at “kumunect” sa lipunan. Upang siguraduhin ang kanilang kaligtasan, dumaan sila lahat sa medical, psychological, at COVID-19 exams bago naging opisyal na housemate.
Hatid ng ABS-CBN at Kumu ang “PBB Connect,” na magbibigay ng kakaibang experience dahil anumang oras at saan man ay maaaring maging konektado sa programa.
Pwedeng subaybayan ang masayang livestream sa Kumu kasama ang hosts. Dito rin mapapanood ang ekslusibong 24/7 livestream ng “PBB Connect.”
Samantala, handang-handa na ring “kumunect” ang mga nagbabalik at bagong host ng “PBB.” Si Toni ang makakasama sa “PBB Connect” sa Kapamilya Channel at Kapamilya Online Live, habang sina Robi at Bianca naman ang ka-bonding sa “Kumunect Tayo” Primetime Show sa Kumu.
Sina Enchong and Melai naman ang mangunguna sa “Kumunect Tayo” Afternoon Show, habang si Kim ang makakasama sa mga special ganap ni Kuya. Si Richard naman ang bahala magbigay sa updates at pakulo sa Facebook, YouTube, at Twitter ng PBB.
* * *
Siniguro naman ni “PBB Connect” director Lauren Dyogi na istrikto pa rin nilang ipinatupad ang health and safety protocols para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng taong involved sa proyekto.
“ABS-CBN in general are very, very strict with their protocols kasi natatakot nga kami na may magkasakit so talagang sobra, meron kaming protocols. But for PBB, we had the usual naman.
“We had a medical test, a psychological test, and all the physical tests. Pero ngayon importante siyempre, everyone came in earlier to do 14 days of quarantine and isolation.
“So that when they go inside the house, everybody is clear and everybody is negative and it’s the safest bubble. That house will be the safest bubble. It’s disinfected, it’s cleaned.
“Walang ibang makakapasok doon na hindi siguradong 100% clear of any COVID or anything. So that will be a very, very, very safe place,” paliwanag ni Direk Lauren.
Mensahe pa ng ABS-CBN executive sa pagbabalik ng PBB, “This is emotionally significant for all of us because of the pandemic. Parang magka-disconnect tayo.
“We are trying to connect everybody again, literally, figuratively, importante sa atin ang pag-ko-connect.
“Sa mga nangyari sa atin, parang naghahanap tayo ng something familiar. We want to go back to an experience na na-mi-miss mo and having that opportunity to bring back PBB in this particular time with yung ating mga host, parang ang sarap sa puso, sa pakiramdam na exciting na babalik ang PBB this year.
“This is something we can look forward to. What with everything that happened, this is a good feeling na we have something na nakasanayan natin, something na magugustuhan ng lahat. It’s like comfort food. Wala pang hinahandugan ng comfort food na tumatanggi,” ang paliwanag pa ni Direk Lauren sa ginanap na “PBB Connect” virtual mediacon kagabi.
Inamin din niya na wala pa talaga silang balak ibalik ang PBB this year after ng PBB Otso, “Ang iniisip ko lagi rin, sa nangyayari ngayon bakit kailangan magkaroon ng PBB is a question.
“Nasa utak ko yan. Is that providential? May gusto bang sabihin? Kasi wala talaga ito sa plano namin this year. We just had a recent edition and it’s a good time to take a break.
“But we didn’t realize in eight months of quarantine, Kumu actually had the idea of bringing back PBB. So we’re very happy with the partnership. May surprise tayo so huwag sila bibitaw kasi marami pang magaganap. Pasimula pa lang tayo,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.