Kaliwa Dam magdudulot ng pinsala kaysa biyaya, ayon sa isang mambabatas
Ipinatitigil ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam at ang lahat ng large-scale destructive mining operations sa gitna ng pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
“Sa loob ng dalawang buwan, nanalasa sa ating bansa ang tatlong bagyo na nag-iwan ng mga malalaking pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan ng ating bansa na nagdulot ng matinding pagbaha, landslide, pagkuha ng buhay ng ating pamilya, pagkawasak sa agrikultura at mga kabahayan at iba pang mga pinsala nito,” pahayag ng Lumad solon sa isang post sa Facebook.
“Ang trahedya na nagdulot o ugat nitong matinding pagbaha at landslide ay ang nagpapatuloy pa rin na mga proyektong nakakasira sa ating kalikasan, katulad ng malalaking pagmimina na nagkakalbo sa mga kabundukan at kagubatan, at ang mga dambuhalang dam na nagpapakawala ng napakaraming tubig na naglulubog sa maraming bayan,” wika ni Cullamat.
Sinabi niya na dapat nang ihinto ang Kaliwa Dam project at ang mga large-scale destructive mining operations dahil maaari itong magdulot ng panganib kaysa progreso.
“Kaya dapat nang ihinto ang mga mapanirang proyektong ito. Hindi kaunlaran, kundi panganib ang idudulot nito sa taumbayan. Tumatambad na lamang sa atin ang mga delubyong dulot ng mga mapaminsalang proyektong ito pag tumama na sa atin ang kalamidad. Hindi solusyon ang mega dam, tulad ng Kaliwa Dam, sa kahirapan ng pagkukunan ng tubig,” sabi ni Cullamat.
Binigyang-diin niya na labis na maaapektuhan ang mga Dumagat ng naturang proyekto.
“Sa simula pa lamang ng proyekto ay kahirapan na ang dulot nito sa mga katutubo. Ang pagpigil ng pagdaloy ng tubig sa ilog ay makakadulot lamang ng pagkawala ng kabuhayan ng mga Dumagat. Ang pagkamkam ng kabundukan ay magsisilbi lamang sa interes ng mga dayuhan, at malalaking kumpanya,” wika niya.
Nanawagan din ang kongresista na bigyang prayoridad ang kapakanan ng mga mamamayan sa gitna ng pandemya at kalamidad. Iginiit niya ang patuloy na pangangailangan para sa kagyat na relief at reconstruction ng mga nawasak na bahay ng libo-libong pamilya.
“Bilang isang Lumad at dumedepensa ng kalikasan, muli akong nananawagan sa taong bayan na magkaisa sa pagpapatigil ng mga nakakasirang proyekto. Bagkus, itong bilyon-bilyong pondo sa mga nakakasirang proyekto ay dapat ilaan na lang sa mas nangangailangan ngayon ng tulong na mga biktima ng nasalanta ng bagyong Quinta, Rolly at Ulysses,” sabi pa ni Cullamat.
Sa kasalukuyan ay pumalo na sa mahigit P2 billion na halaga ng pinsala sa agrikultura ang iniwan ng bagyong Ulysses, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ang pinsala sa mga pananim at iba pang agricultural products, na tinatayang nasa P2.14 billion, ay naitala sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol at Cordillera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.