Kokoy de Santos hindi takot ma-typecast sa mga gay role: Wala namang masama
KUNG may isang young actor ngayon na talagang nagmarka sa paggawa ng BL o Boy’s Love series, yan ay walang iba kundi si Kokoy de Santos.
Sikat na sikat ngayon ang binata dahil sa ginawa niyang BL series sa YouTube, ang “GameBoys” na talaga namang pinag-usapan nang bonggang-bongga sa social media.
At mukhang nalilinya na nga siya sa mga ganitong project dahil muli na naman siyang bibida sa bagong BL series, ang “Oh Mando!” kung saan makakasama naman niya sina Alex Diaz at Barbie Imperial.
“Mas nauna ito kesa du’n sa pinalabas ko before. Ibang-iba yung character ko rito. Gustung-gusto ko siya kasi si Mando ibang-iba.
“Bago sa akin ito. May nagagawa na akong roles before na LGBTQ related pero iba ito. Malayung-malayo sa dating nagawa ko,” kuwento ni Kokoy sa virtual presscon ng nasabing digital serye.
“Nu’ng mga panahon na ginagawa ko yung mga ganu’ng proyekto eh talagang ako na sana someday mabigyan ako ng ganitong klaseng proyekto na napapanood ko lang madalas sa pelikula, sa teleserye, sa mga ganyang rom-com.
“At mabigyan ako ng ganu’ng klase na may twist pa, eh. Bakit hindi natin ito subukan at nu’ng nagawa naman sobrang satisfying siya for me as an actor na makatrabaho itong mga ito sa ganitong klaseng proyekto para mas mapadali at mas naging suave lang,” aniya pa.
Gagampanan ni Kokoy ang karakter ni Mando na maiipit sa pagitan ng girlfriend niya (Barbie) at ng crush niyang guy (Alex).
“Simple lang naman bakit ko ito tinanggap, napakaganda ng script and yung director natin ay si direk Eduardo Roy, napakagaling na director po talaga nito.
“At tingin ko ay bago ito sa atin at Dreamscape, ABS-CBN ito. Sobrang nilu-look forward ko na itong Oh, Mando! na matapos na para mapanood na ng maraming Pilipino,” sabi pa ng binata.
Okay lang ba sa kanya na malinya sa mga LGBTQ films? “I think wala namang masama na ma-typecast sa ganitong klaseng mga roles and tingin ko kasi itong mga character na ito, representation ito ng mga totoong tao.
“So, tingin ko kung na-typecast ka sa ganitong klase, baka may something sa yo na puwedeng magaling ka or para sa iyo. So for me, satisfied na ako du’n.
“At saka yung pag-arte talaga sa akin is iba, ibang-iba yung character na ginagampanan ko kasi feeling ko talagang ibang tao at sana lang nabibigyan ko ng hustisya lagi yung mga ginagawa kong proyekto, yung mga ginagampanan kong roles,” esplika pa ni Kokoy.
Panoorin ang bagong original Dreamscape Entertainment and Found films BL series na “Oh, Mando!” sa iWant TFC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.