Gina Pareño walang balak iwan ang showbiz: Sana mawala na ang COVID, miss ko nang umarte
“MAG-RETIRE? Naku, ano ‘yon? Hindi ko alam ‘yon!” ang sagot ng veteran actress na si Gina Pareño sa tanong kung may plano na ba siyang magpahinga sa showbiz.
Last Oct. 20 ay nag-celebrate ng kanyang 73rd birthday ang aktres at ang wish nga niya ay matapos na ang COVID-19 pandemic para makalabas at makapagtrabaho na uli siya.
Ayon kay Gina Pareño, miss na miss na niya ang pag-arte sa harap ng camera under the old normal sa taping at shooting. Sa edad kasi na 73, hindi pa siya pwedeng makalabas base sa ipinatutupad ngayong health protocols.
Pero naikuwento ng magaling na aktres na nabigyan siya ng chance na makaarte muli sa Boys Love series na “Quaranthings” kung saan ang mga eksena niya ay kinunan lang sa kanilang bahay.
“Siyempre, sa una maninibago ka. Pero pagkatagal-tagal, mararamdaman mo yung umaarte ka sa cell phone, sa laptop, yun na ngayon ang new normal.
“Noong una, naiilang ako, pero pagkatagal-tagal, nae-enjoy ko na. Siyempre, katrabaho mo yung mga bagets. Aba, hindi naman magpapatalbog ang iyong Lola Gets kaya later on, enjoy na enjoy ako.
“‘Yan na ngayon ang new normal. Ngayon, kapag hindi mo sinabayan, aba, matetengga ka,” pahayag ng veteran star sa panayam ng GMA.
Wala rin daw siyang planong iwan ang showbiz kahit may edad na siya, “Mag-retire? Naku, ano ‘yon? Hindi ko alam ‘yon. Aba, e, kapag hindi po ako umarte, siguradong madadali ang buhay ko. Malulungkot po ang Lola Gets.
“Pag-arte talaga ang ginusto ko sa buong buhay ko. Kaya hangga’t nandiyan pa kayo, kinukuha n’yo pa ako, kasama kayong aarte.
“Naku, enjoy na enjoy po ako, hahaba pa ang buhay ko. ‘Yan lang po ang inambisyon ko sa buhay, ang umarte,” lahad pa niya
Isa pa sa mga birthday wish niya ay ang maayos na kalusugan para sa kanyang pamilya.
“Ngayong 73 na ako, ang hihilingin ko kay Lord, e, good health ng pamilya ko, sa aming lahat, sa mga apo, at sa lahat ng taong minamahal ko.
“Siyempre, lahat naman tayo, gusto natin, e, maayos ang pamilya, di ba?” chika ni Lola Gets.
Ito naman ang realization niya sa panahon ng pandemya, “Ang natutuhan ko ho sa COVID, kailangan positive ka sa buhay mo.
“Kailangan always good vibes. Kailangan palagi kang masaya. Huwag kang mag-iisip ng mga problema.
“At pinakaimportante sa lahat, magpasalamat tayo kay Lord at hindi niya tayo pinababayaan,” mensahe pa ni Gina Pareño.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.