Pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng PhilHealth pinag-aaralan ng mga kongresista
Pinag-aaralan na ng ilang mga kongresista ang paghahain ng kaso laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation may kaugnayan sa mga katiwalian sa ahensya.
Ayon kay House Committee on Public Accounts Chairman at Anakalusugan Rep. Mike Defensor, maaaring magdesisyon ang mga kongresista na sampahan ng kaso sa kanilang personal na kapasidad ang mga opisyal na nasasangkot sa anomalya sa PhilHealth.
Isa-isa din anya ang gagawin nilang pagsasampa ng kaso at “individual” din ang gagawing paghahain nito.
Ang pahayag ay kasunod ng nag-leak na committee report sa joint investigation ng Committee on Public Accounts at Good Government and Public Accountability patungkol sa mga anomalya sa PhilHealth.
Nakasaad sa rekomendasyon ng 65 pahina na leaked committee report na kasama sa pinakakasuhan ng kasong administratibo at kriminal si Health Secretary Francisco Duque III, dating PhilHealth President Ricardo Morales, executive vice president Arnel de Jesus, senior vice presidents Israel Francis Pargas, Renato Limsiaco Jr. at Rodolfo del Rosario gayundin sina Labor Secretary Silvestre Bello III, at Budget Secretary Wendel Avisado bilang mga myembro ng PhilHealth board at iba pang company officials at board members.
Nilinaw naman ni Defensor na ang nag-leak na committee report sa isinagawang PhilHealth investigation ng Kamara ay hindi pa opisyal at hindi rin final.
Iginiit nito na dadaan pa sa talakayan at pagdedebatehan pa ito ng dalawang komite at maaari pang amyendahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.