Donita Nose, manager dumepensa kay Tekla laban kay Michelle; viral video ‘planted’ daw
MAHAL na mahal daw ni Super Tekla ang live-in partner nitong si Michelle Lhor Bana-ag kaya kahit marami itong problemang dinadala sa kanya ay hindi niya ito iniiwan.
Matapos magreklamo si Michelle tungkol sa umano’y pang-aabuso at pagpapabaya sa kanya ni Tekla pati na rin sa kanilang anak, ipinagtanggol naman siya ng ilang mga kaibigan.
Sinasabing hindi raw magandang impluwensiya si Michelle kay Tekla dahil sa mga bisyo nito at talaga raw planado nito ang pagbi-video sa komedyante para irekamo sa programa ni Raffy Tulfo.
Isa sa mga nagtanggol kay Tekla ay ang kaibigan nitong si Donita Nose na pumayag magpa-interview kay Tulfo para pabulaanan ang mga akusasyon ni Michelle.
“Alam kong mayroon siyang mga mali, pero alam kong mayroon ding mga tamang ginawa si Tekla. Huminto siya sa bisyo niya, hindi na siya nagda-drugs,” sey ni Donita.
“Hindi naman siya mahiwalayan ni Tekla noon dahil ‘yung babaeng ‘to ayaw din naman makipaghiwalay, dahil nga ‘yung bisyo nila pareho, nagagawa nila nang magkasama. Kapag nasa akin si Tekla, nakikinig siya, pero kapag nagte-text na si Michelle, hindi na siya makatanggi,” dagdag pa ng TV host-comedian.
Mariin ding pinabulaanan ni Donita ang sinabi ni Michelle na pinababayaan sila ni Tekla. Sa katunayan, ang komedyante na ang umako sa pangangailangan ng pamilya nito.
Bukod sa pagbabayad ng upa ng bahay ng magulang at kapatid, si Tekla rin ang nagpapaaral sa mga pamangkin ni Michelle.
Samantala, nagsalita rin ang manager ni Tekla na si Rose Conde tungkol sa kontrobersiya at sinabi nga nito na planted ang video ng pag-aaway ni Michelle at ng comedian para palabasing napakasamang tao ni Tekla.
“Hindi niya akalain na gagawin sa kanya ito ng taong minahal niya for six years. Ilang beses ko nang sinabihan na hiwalayan na niya ‘yang babaeng ‘yan kasi walang maitutulong sa kanya na mabuti, pero ‘di niya ako pinakinggan dahil mahal na mahal niya ‘yang babae na ‘yan at mahal niya ang pamilya ni Michelle. Michelle, minahal mo ba talaga si Tekla?” ang pahayag ng manager ni Tekla.
Ani Rose, inaatake raw ngayon ng matinding depresyon si Tekla dahil sa nangyayari, “Sa totoo lang po, nu’ng kausap ko siya kagabi, tinanong ko lahat ng akusasyon ni Michelle. Sinabi niya, ‘Mami, kilala mo ako, maaaring may pagkukulang ako sa inyo, sa ugali ko, pero ang respeto ko kay Michelle ganu’n-ganu’n na lang, kasi ganu’n ko siya kamahal.’
“Sa totoo po, every time na mababanggit niya yung pangalang Michelle, umiiyak siya sa akin. Alam ko po yun, kung gaano niya kamahal si Michelle,” dagdag pahayag ng manager.
“Ngayon, sa lahat ng sinabi niya (Michelle), inisa-isa ko kay Tekla kagabi. Paumanhin, pasensiya na, hindi pa siya makapagsalita dahil siyempre po taga-GMA siya. Meron po kaming kontrata sa GMA so respeto lang po sa GMA na nagpapaalam na po muna ako,” aniya pa.
Tinanong din daw niya si Tekla kung ano talaga ang pinagsimulan ng away nila na nakunan nga sa video, “Humingi sila nang pang-umpisa kay Tekla. Walang maibigay si Tekla kasi wala pa po siyang pera.
“Wala pa po siyang income ngayon. Mag-uumpisa pa lang ang suweldo niya ngayong payday. Wala siyang maibigay, so nag-aaway na sila,” paliwanag pa ni Rose.
Handa naman daw magsalita si Tekla tungkol sa issue kaya yan ang hintayin natin. Ang tanong payagan kaya siya ng GMA na sagutin pa ang kontrobersyang ito?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.