Barbie nagbi-breakdown sa lock-in taping: Sobrang hirap po talaga
INAATAKE ng matinding lungkot at “homesick” si Barbie Imperial habang naka-lock in taping para sa upcoming Kapamilya series na “Bagong Umaga.”
Inamin ng dalaga sa nakaraang virtual mediacon ng nasabing teleserye na may araw na talagang nagbi-breakdown na siya dahil sa sobrang pagka-miss sa kanyang pamilya habang nagtatrabaho.
Naikumpara pa nga ni Barbie ang naging experience niya noon bilang Pinoy Big Brother housemate sa lock-in taping nila ngayon para sa “Bagong Umaga.”
“Naku, mahirap po talaga. Sobrang hirap po lalo po kapag sanay ka po na kasama mo palagi yung pamilya mo.
“Ako po, doon ako inaatake (ng lungkot). Yung first week ko dito na hindi ko kasama yung kuya ko. Pero yung mama ko po kasama ko dito,” pahayag ng aktres.
At dahil sa nararamdamang anxiety, talagang nagbi-breakdown daw siya, lalo na kapag naiisip niya ang kapatid na lalake.
“Pero ang maganda naman po dito sa amin sa Bagong Umaga, kapag may gusto ka pong makausap, like ako po, sobrang nagbi-breakdown na po ako dahil sobrang miss na miss ko na si kuya, miss na miss ko na yung bahay namin, at napapagod din po ako, pero dito kasi para kaming pamilya talaga,” lahad ng dalaga.
“Katulad ko po, kapag hindi ko na talaga kaya, lumalapit po ako sa prod, kay Direk Carlo (Po-Artillaga). Sinasabi ko sa kanya, ‘Direk, ito yung nararamdaman ko. Napapagod ako.’ Ganyan, ganyan. And importante po na nalalabas mo kung ano yung nararamdaman mo para hindi naiipon.
“Kasi, imagine po, everyday gigising kami, nasa hotel room kami, nakatingin lang po kami sa labas ng bintana habang yung ibang tao nasa labas and kami nandito po kami sa loob,” dugtong na paliwanag ni Barbie.
Iniisip na lang ng aktres ang pagiging breadwinner ng pamilya at itinuturing na malaking blessing ang pagkakaroon ng trabaho sa gitna ng nangyayaring pandemya.
“Sobrang thankful and grateful po kami. Siyempre, hindi naman lahat ng artista ngayon may trabaho. And yon po yung pinakaimportante, magkaroon po ako ng trabaho.
“Katulad ko po, breadwinner ako, so game lang po nang game. Konting tiis lang po talaga. Suwerte po namin kasi yung mga staff, yung sa prod, mga directors, lahat po dito pamilya po talaga yung turing sa amin,” sey pa ni Barbie.
Mapapanood na simula sa Lunes, Oct. 26 ang “Bagong Umaga” sa A2Z channel (after It’s Showtime) at iba pang digital platforms ng ABS-CBN. Kasama rin dito sina Heaven Peralejo, Yves Flores, Michelle Vito, Kiko Estrada at Tony Labrusca.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.