Sinong magsasalin ng korona sa Miss Universe Philippines 2020?
Nang napabalitang humiwalay na ang Miss Universe Organization (MUO) sa Binibining Pilipinas pageant noong Disyembre, usap-usapan ng mga tagasubaybay kung pahihintulutan si Gazini Ganados na magsalin ng titulo niya sa isang hiwalay na patimpalak.
Natugunan ang tanong na ito noong Okt. 19 nang ihayag ng Miss Universe Philippines (MUP) sa Facebook na si Ganados mismo ang magpuputong ng korona sa hihiranging susunod na kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe pageant.
Nagwagi si Ganados sa Bb. Pilipinas pageant noong Hunyo ng nagdaang taon.
Mula 1964, ang Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) na ang nagpapadala ng pambato ng bansa sa Miss Universe. Ngunit nagpasya ang MUO noon nakaraang Disyembre na humanap ng bagong pambansang patimpalak na pipili sa magiging kinatawan ng Pilipinas, at pinangungunahan ito ni 2011 Miss Universe third runner-up Shamcey Supsup-Lee bilang national director.
Sa isang virtual roundtable discussion kasama ang ilang piling kawani ng midya noong Okt. 20, sinabi ni Lee na personal siyang lumiham kay BPCI Chair Stella Marquez-Araneta “asking for permission if it’s possible to have Gazini’s presence.”
Paglalahad ni Lee: “I am grateful to Madam Stella and BPCI. We have been praying for Gazini to really crown the MUP winner. It wouldn’t be the same without her.”
Idaraos ang MUP coronation ceremonies sa Baguio City sa Okt. 25, at mapapanood ito sa GMA 7 simula ika-9 ng umaga. Magsisimula naman ang streaming nito sa mga online platform na empire.ph, ktx.ph, at TFC 10:30 ng umaga.
Kasalukuyan nang nasa Baguio ang 47 kalahok na nagtatagisan para sa korona, at sumasailalim sila sa mahigpit ng health protocols. Sinabi ni Lee na nagsasagawa ng COVD-19 test kada limang araw.
Idinaos noong Okt. 19 ang mahalagang closed-door interview, at mapapanood ito sa empire.ph, ktx.ph, at TFC sa Okt. 21.
Itatanghal naman ang preliminary competition para sa national costume, swimsuit, at evening gown sa Oct. 23, at mapapanood din sa streaming services nang live. Ang actor na si Benjamin Alves ang magsisilbing host.
Si KC Montero ang host sa coronation ceremonies, kung saan magtatanghal din sina Allen Cecilio, Anjo Damiles, and Kevin Montillano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.