#PlantitaKo: Ethel may puno ng saging, papaya, talong, malunggay, sa loob ng bahay
BENTANG-BENTA sa social media ang bagong paandar ni Ethel Booba bilang isang certified “plantita”.
Kung ang ibang celebrities ay may bonggang-bonggang garden at farm kung saan makikita ang kanilang mga mamahaling halaman, may naisip na pangtapat diyan si Ethel.
Nag-start ding mag-alaga ng mga plants ang singer-comedienne nang mag-lockdown sa bansa dulot ng COVID-19 pandemic, yun nga lang hindi mga expensive ornamental plant ang kanyang ibinandera.
Ipinagmalaki ni Ethel ang mga puno ng gulay at prutas na nasa loob ng kanyang bahay kaya naman naging instant vegetable garden ito.
Ipinost ng komedyana sa Facebook ang ilang litrato niya katabi ang iba’t ibang puno ng gulay at prutas na nasa dining area at sala.
“Good morning plantitos and plantitas,” ang caption ni Ethel sa kanyang mga FB photos.
Sa isa niyang post, makikita si Ethel na nasa dining area habang karga ang anak nila ni Jessie Salazar na si baby Michaela.
Makikita sa background nila ang isang puno ng malunggay na abot na sa kisame sa sobrang taas nito. Meron din siyang puno ng talong na may mga bunga na.
Alagang-alaga rin ni Ethel ang tanim niyang papaya na nakalagay sa tatlong paso at naka-display sa kanilang sala habang sa tabi naman ng TV set nila ay may dalawang puno ng saging.
Bukod pa riyan, makikita rin ang naglalakihang dahon ng gabi na nakatanim sa gilid ng kanilang hagdan.
Sa ilang litrato ni Ethel, napansin ng mga netizens na tila ginaya niya ang mga Instagram photos ni Jinkee Pacquiao kung saan makikita sa background ang naglalakihan at super expensive na mga halamang pag-aari nito.
In fairness, aliw na aliw ang mga netizens sa pinagaggawa ni Ethel. May mga nagkomento pa nga na gagayahin nila ito sa kani-kanilang tahanan kahit na magmukha na silang nakatira sa gubat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.