Daniel walang balak lumipat ng network: Maghihintay ako hanggang makabangon ang ABS-CBN
HINDING-HINDI iiwan ni Daniel Padilla ang ABS-CBN kahit na ano pang mangyari.
Kung umalis na sa bakuran ng Kapamilya network ang ilan sa mga artista ng istasyon matapos itong magsara, handa namang maghintay si DJ hanggang makabangon ang ABS-CBN.
Pinanindigan talaga ni Daniel ang pagiging “Kapamilya forever” pati na rin ng kanyang girlfriend na si Kathryn Bernardo.
Sa ginanap na online mediacon para sa virtual concert niyang “Apollo: A Daniel Padilla Digital Experience” inamin ng aktor na lumapit sila ni Kathryn sa mga bossing ng ABS-CBN para tanungin kung ano ang magagawa nila para makatulong sa network.
“Yes, that’s true. Unang-una, malaki ang utang na loob namin sa ABS-CBN. Malaki talaga sa akin personally.
“Yung buhay ko nagbago talaga. Nakakatulog nang maigi ang pamilya ko ngayon dahil sa mga ibinigay ng ABS-CBN na proyekto sa akin.
“Siyempre yung ibinigay nila sa akin, trinabaho ko naman. So, you know, it’s a give and take,” paliwanag ni DJ.
Saad pa ng tinaguriang King of Hearts, “I can wait, you know. Kaya ko maghintay. It’s not the end of me kapag lumipat na ako or something.
“I can wait hanggang makabangon ang ABS-CBN dahil naniniwala ako na babangon tayong lahat dito.
“Hindi lang para sa aming mga artista, pero para sa mga empleyado na nawalan ng trabaho sa ABS-CBN. Kasama nila akong naghihintay,” diin ng binata.
At dito na nga nabanggit ni Daniel ang good news tungkol sa pag-ere ng ilang mga programa ng ABS-CBN sa free TV sa pamamagitan ng blocktime arrangement ng ABS-CBN sa A2Z (Zoe Channel 11).
“And now, there’s news na babalik na tayo. That’s good. Tayo ngayon, trabahuhin natin nang mabuhay muli ang ABS-CBN.
“Yun lang sa amin. Kaya namin maghintay dahil iba rin naman ang ibinigay na tiwala sa amin ng ABS-CBN. It’s the least we can do for them,” lahad pa ni DJ.
Samantala, mapapanood na ang “Apollo” concert ni Daniel sa Oct. 11 (Sunday) under Star Events ng ABS-CBN at ng production house mismo ng aktor na Johnny Moonlight sa KTX.ph.
Ang “Apollo: A Daniel Padilla Digital Experience” ang una sa mga parating na exclusive concerts na handog ng Star Events sa pagsisikap nitong maghatid sa mga Kapamilya ng malakihang musical shows online kasama ang mga paboritong performers kapalit ng live events.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.