Aktor wala nang raket; binabawi na ang puhunan sa kasosyong male celeb, pero…
SANA’Y hindi mauwi sa pagkakagalit ang kilalang male star na sumosyo sa kaibigang aktor din na nagtayo ng gym pero hindi pa nabubuksan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa aming source, nangangailangan ng pera ang kilalang aktor dahil nga sa pandemya at wala naman siyang regular show.
Kaya binabawi niya ang perang isinosyo niya sa pagpapatayo ng gym pero hindi siya sinasagot ng kanyang kaibigan.
Pakiwari namin ay naibili na itong kaibigan ng kilalang aktor ng mga gamit sa itinayong gym kaya ano pa ang isosoli niya?
Hindi pa naman nagagamit ang gym kaya hindi pa ito kumikita. Bawal pa rin kasi ang operasyon ng mga ganitong uri ng establisimyento sa ilalim ng general community quarantine.
Mabait pero mainitin ang ulo ng kilalang aktor at lagi siyang nasa balita noon bagay na ikinatanggal niya sa mga project niya.
Kaya sana’y hindi na maulit dahil sa panahon ngayon ng pandemya ay kailangan niya ng trabaho at iba pang pagkakakitaan.
Sa kabilang banda ay humingi ng payo ang sikat na aktor sa mga kaibigan niyang may pag-aari ring gym. Ayon sa mga napagtanungan niya, puwede naman daw ibalik sa kanya ang pera dahil hindi pa naman nag-o-operate ang gym.
“Ang kaso, baka nagastos na nga ang pambili ng gamit kaya walang pera ‘yung tao (kaibigan ng kilalang aktor).
“Siguro kapag binuksan na at kumikita na, pwedeng hulug-hulugan,’’ kuwento sa amin ng aming source.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.